KAILANGAN umano magbigay ng paliwanag ang mga kompanya ng pag-generate ng kuryente ukol sa nangyaring forced outage, ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Sa ikalawang pagkakataon ngayong linggo, isinailalim sa Red at Yellow Alert ang Luzon at Visayas grid.
Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nagtagal ng isang oras ang Red Alert sa Luzon grid mula 3:00 hanggang 4:00 ng hapon.
Habang kasalukuyang umiiral ang Yellow Alert mula kaninang 4:00 ng hapon na magtatagal hanggang 10:00 ng gabi.
Una naman itong ipinatupad kaninang 1:00 hanggang 3:00 ng hapon.
Ayon sa NGCP, 18 planta ang naka-forced outage habang dalawa ang nasa derated capacities.
Sa Visayas grid naman, nagsimulang umiral ang Yellow Alert kaninang 10:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, 5:00 ng hapon hanggang 6:00 ngayong gabi, at muling iiral mamayang 8:00 hanggang 9:00 ng gabi.
Habang kasalukuyan namang umiiral ang Red Alert na nagsimula kaninang 6:00 ngayong gabi at magtatagal hanggang mamayang 8:00.
Pasado 3:00 naman kaninang hapon ng alisin ng NGCP ang Yellow Alert sa Mindanao Grid.
Kaugnay naman nito, hinimok ni Sen. Chiz Escudero ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na higpitan pa ang pagbabantay sa power generation companies (GenCos) para masunod ang scheduled outages.
Bukod dito, dapat din aniyang magpaliwanag ng mga GenCos sa nangyaring forced outages.