MATAGUMPAY ang isinagawang campaign parade ng mga Pilipino sa London UK upang ipahayag ang kanilang suporta sa lahat ng kumakandidato bilang senador sa line up ng PDP-Laban.
Sa ginanap na campaign parade noong Marso 9, sa Parliament Square, London, nagkaisa ang mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte, ng mga senatorial candidates ng PDP-Laban, at ni Pastor Apollo C. Quiboloy upang ipakita ang kanilang buong suporta sa nalalapit na halalan sa Pilipinas.
Pinangunahan ang pagtitipon ng PDP-Laban UK Chapter, kasama ang mga OFW at iba’t ibang Filipino community organizations sa UK na patuloy na nagpapahayag ng kanilang pagmamahal at suporta sa pamilyang Duterte at sa mga kandidatong isinusulong ng kanilang partido.
Isa sa mga matibay na panawagan ng mga dumalo ay ang pagtutol sa impeachment case laban kay VP Sara, na tinuturing nilang isang hindi makatarungan at pampulitikang pag-atake sa kanilang mahal na VP. Maliban dito, nanindigan din ang mga OFW na straight vote sa mga kandidato ng PDP-Laban upang maipagpatuloy ang mga programang makabubuti para sa bayan, lalo na sa mga kapwa nila OFW at kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Samantala, kabilang sa senatorial slate ng PDP-Laban para sa midterm elections ang mga kilalang personalidad na sina Pastor Apollo C. Quiboloy, Senator Christopher “Bong” Go, Atty. Rodante Marcoleta, Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Raul Lambino, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Vic Rodriguez, at Philip Salvador.