WALANG tigil ang pagpapakilala ng volunteers ng ‘Pastor Apollo C. Quiboloy for Senator Movement’ sa mga botante sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Sa mga town hall meeting sa Sara, Iloilo Province, at Brgy. Zamora, Iloilo City, mas naging maliwanag ang mga plataporma at programa ng Butihing Pastor, lalo na sa pagsugpo sa talamak na korapsiyon at pagbibigay ng karampatang parusa sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Naging daan din ang pagpupulong para mailahad ang katotohanan patungkol sa political harassment na nararanasan ni Pastor Quiboloy sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ipinahayag ng mga residente ng Iloilo ang kanilang solidong pagsuporta sa kandidatura ni Pastor Quiboloy.
“Gusto ni Apollo C. Quiboloy ay ‘yung katarungan, at mawala ‘yung pang-aapi at korapsyon. Iyon ‘yung hinahanap namin. Sana, Pastor Apollo C. Quiboloy, ipagpatuloy niyo po ‘yung mga naumpisahan niyo. Dalhin niyo po sa Senado,” ayon kay Merly Carnasa, Residente, Iloilo.
“Marami akong natutunan kay Sir Apollo C. Quiboloy dahil ang aming pagkakilala sa kaniya ay maling-mali dahil sa mga balita sa social media.”
“Bilang lider ng barangay, ipaaabot ko sa aking mga kababayan at kapitbahay na mga botante at ipaliwanag sa kanila kung ano ang tama at ipinaglalaban ni Pastor Quiboloy,” wika ni Verna Dela Peña, Residente, Iloilo.
“Matagal ko nang kilala si Pastor Quiboloy at hangang-hanga ako sa kaniya dahil maraming tao ang nagbalik-loob sa Diyos. Kapag naririnig ko siya sa YouTube, umiiyak ako at masaya ang aking pakiramdam na maraming taong nakakakilala sa Diyos kapag siya ang nagsasalita.”
“Nasa kaniya na ang lahat. May pagmamahal sa kapwa tao, may kabalaka, may kalooy. Iyan ‘yung gusto ko sa kaniya. Kung siya ang manalo, maraming mabuting bagay ang maibibigay niya sa mga tao,” saad ni Maria Dolores Diocadis, Residente, Iloilo.
Tiniyak din ng lokal na pamahalaan ng Sara ang kanilang buong pagtitiwala kay Pastor Quiboloy.
“Si Pastor Quiboloy naman, siyempre, unang-una diyan dahil naniniwala siya kay PRRD. Ibig sabihin, kasama siya sa adbokasiya at panaginip natin na gumanda ang Pilipinas, magbago ng totoo ang Pilipinas,” pahayag ni Mayor Jon Aying, Sara, Iloilo.
Dagdag pa ni Mayor Jon Aying — vote straight sila sa mga kandidato ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Aniya, siya ay naniniwala na malaki ang kabutihang nagawa ng dating pangulo sa Pilipinas at maipagpapatuloy ito ng mga inendorso niyang kandidato.
“Kaya ako, talagang magsusuporta sa mga PDP senatorial candidates dahil magpapatibay lalo ‘yun ng adbokasiya ni former President Rodrigo Roa Duterte,” ani Aying.
Kasama ni Pastor Quiboloy sa Duterte slate sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Christopher “Bong” Go, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Raul Lambino, Congressman Rodante Marcoleta, Atty. Vic Rodriguez, at Philip Salvador.