NAGSANIB-pwersa ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Grab Philippines para pahusayin ang serbisyo ng transportasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang partnership na tinaguriang “Airport to Anywhere (ATA)” pilot program ay naglalayon na magdeploy ng 200 Grab accredited vehicles na tutugon sa mataas na demand sa transport vehicles sa NAIA.
Sinimulan ni MIAA General Manager Cesar Chiong ang pakikipag-usap sa Grab Philippines noong Setyembre hanggang sa matupad ang pagkakaroon ng partnership nito.
Ayon kay Chiong, ginawa ang partnership na ito bilang bahagi ng paghahanda ngayong Kapaskuhan.
“We explored this partnership as part of our preparations for the Christmas season. We thank Grab Philippines and the LTFRB for joining hands with us in the interest of our air riding public,” ayon kay Cesar Chiong, General Manager, MIAA.
Inaasahan ng MIAA na mas titindi pa ang pagtaas ng trapiko ng pasahero simula sa Disyembre 16 pagdating ng mga nagbabakasyong Pilipino mula sa ibang bansa.
Samantala ayon pa kay Chiong, umabot na sa 3.1 milyon o 229% na pagtaas ng buwanang dami ng pasahero sa NAIA.