THE show must go on pa rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdalo nito sa ASEAN–EU Commemorative Summit Miyerkules, December 14 sa Belgium.
Kahit walang boses dahil sa lamig ng panahon sa Brussels, ay iniraos pa rin ng Pangulo ang kanyang talumpati sa opening speech ng pagtitipon.
“Your majesty, your excellencies. President Michelle, EU Commissioned President Ursula Von Der Leyen. Distinguished guest, ladies, and gentlemen,” bungad ng talumpati ni Pangulong Marcos.
Dahil sa kanyang kondisyon, hindi nakadalo sa scheduled press con ng Malacañang Press Corp si Pangulong Marcos nitong Martes.
At pinagpahinga ang kanyang boses para sa iba pang aktibidad.
Bilyun-bilyong investments naman ang iuuwi ng Pangulo matapos makipagpulong sa apat na malalaking multi-national companies sa Europa.
Kasama diyan ang P4.7-B na investment deal mula sa multinational company na Unilever.
Bukod sa Unilever, selyado na rin ang P1.5-B investment deal ng Pilipinas sa French shipbuilding firm OCEA S.A. para magtayo ng shipyard sa bansa.
Dahil diyan, asahan ang 500-600 direct jobs na mabubuo dahil sa deal.
May commitment din ang kumpanyang Acciona kay Pangulong Marcos na nasa linya naman ng infrastructure para maglagak ng puhunan para sa renewable energy.
Ang isa pang European company na Semmaris, nagpahayag din ng intensiyon para makapagpatayo ng agro-logistics sa New Clark City sa Pampanga.
Ang kumpanya ay konektado sa wholesale market para sa fresh food products at target na maitaguyod ang local production nito sa Pilipinas.
Sinigurado naman ng Pangulo na ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat upang mas mapadali ang pagnenegosyo ng mga dayuhang negosyante sa bansa.
Nakausap din ni Pangulong Marcos si Estonian Prime Minister Kaja Kallas kung saan napagkasunduan ang pagpapatibay ng kooperasyon ng Pilipinas at Estonia sa larangan ng cybersecurity at e-governance.
Inimbitahan naman ni Kallas ang Pangulo at kanyang delegasyon na bumisita sa Estonia upang maibahagi ang kanilang mga estratehiya laban sa cyberattacks.
Samantala, magbibigay naman ng P10-billion euros ang European Union sa ASEAN.
Ayon kay European Commission President Ursula Von Der Leyen, nais nilang ipa-investment sa ASEAN countries ang pondo para sa renewable energy at sustainable agriculture projects.
“Because our energy and trade cooperation will only reach its full potential if it’s underpinned by the right infrastructure. Today, Team Euro put forward a P10-billion euros investment package under the global gateway,” ani European Commission President Ursula Von Der Leyen.