HUMIHINGI ng pang-unawa ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasaherong napeperwisyo tuwing may kulog at kidlat sa paliparan.
Kaligtasan ng bawat pasahero at ng mga empleyedo ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan pansamantalang isuspinde ang operasyon sa paliparan sa tuwing nakararanas ng Red Lightning Alert (RLA) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Karaniwang umaabot sa pinakamataas na apat o limang RLA sa isang araw ang nararanasan sa tuwing may kulog at kidlat sa NAIA.
Pero nitong nakaraang buwan ng Mayo, nakapagtala ang MIAA ng 12 RLA sa NAIA sa loob lamang ng limang oras.
Sa tala ng MIAA, ito na ang pinakamataas na bilang ng RLA sa taong 2024.
Ipinaliwanag ni MIAA General Manager Eric Jose Ines kung bakit kailangang gawin ang pansamantalang pagtigil ng operasyon sa paliparan sa tuwing nakararanas ng kulog at kidlat.
“Ang red lightning alert ‘pag nagkaroon tayo ng red lightning alert within 5 KM radius ng buong airport, ipinapatigil namin ang operation sa baba, sa ramp area sa airside sapagkat nakakatakot baka may tamaan na naman ng kidlat gaya ng nangyari years ago, nagkaroon tayo ng previous incident na namatay dahil sa red lightning nagtatrabaho sa baba,” ayon kay Eric Jose Ines, General Manager, MIAA.
Asahan din aniya na tataas pa ang bilang ng RLA sa NAIA ngayong panahon ng tag-ulan.
Sa RLA kasi posibleng ma-delay o makansela ang flight dahil sa pansamantalang pagsuspinde ng operasyon sa NAIA.
Ipinaliwanag ni Ines na nangyayari lang naman ang kanselasyon ng flight kung inabot ng gabi ang delay at kung walang night- rated sa destinasyon na paliparan.
Aniya, patuloy ang ginagawang pagsisikap ng MIAA para maibsan pa ang pagkaantala ng mga pasahero sa tuwing may ganitong insidente.
Gaya ng kanilang ginagawang active monitoring dalawang linggo na ang nakalilipas.
Mula sa earth works radar kung saan nakakabit sa command center sa NAIA.
Sa pamamagitan nito agad nilang nalalaman kung saan dapat na terminal sa NAIA isasagawa ang pagsuspinde ng operasyon kung may kulog, kidlat o bagyo man ang darating.
Humihingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang MIAA at ilang airline sa mga pasaherong naantala dahil sa RLA.
“Sana unawain na lang nila, nakakatakot ang paggalaw sa baba kasi mahirap, delikado. So, dapat unawain na lang ng mga pasahero natin,” ani Ines.