Money ban policy kontra vote-buying, ipinatupad sa Cagayan Valley

Money ban policy kontra vote-buying, ipinatupad sa Cagayan Valley

MALIBAN sa paghihigpit sa pagdadala ng baril at iba pang armas na ini-inspect sa mga checkpoint, nagpatupad din ang Police Regional Office Region 2 at ang COMELEC Region 2 ng money ban checkpoint sa Lambak Cagayan para labanan ang vote-buying ngayong araw ng botohan para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Kasabay ng gun ban ang “money ban” sa inilagay na mga Commission on Elections (COMELEC) checkpoints para ma-monitor ang mga ilegal na gawain na may kaugnayan sa halalan ngayong araw.

Paliwanag ni COMELEC Region 2 Director Atty. Ederlino Tabilas, Jr. ang money ban policy ay alinsunod sa section 28 ng COMELEC Resolution No. 20946 kung saan ang pagbibiyahe o pagdadala ng 500 libong piso o higit pa kasama ang mga campaign paraphernalia sa mismong araw ng eleksiyon ay mahigpit na ipinagbabawal.

“Sa presumption na nasa COMELEC Resolution No. 20946, kapag nagdala ka ng ganung kalalaking pera na wala ka namang legitimate business sa paggagamitan ng pera, ang presumption ay gagamitin sa vote buying” saad ni Atty. Ederlino Tabilas, Jr.-Regional Director, COMELEC-2.

Pero nilinaw ni Tabilas na hindi kasali rito ang mga nagtatrabaho sa bangko, kooperatiba o ang mga negosyante basta may ipakitang pruweba.

“Mayroon naman tayong exemption na nakasaad sa COMELEC Resolution, halimbawa kung treasurer ka ng mga bangko, coop o kaya legitimate business man ka, kailangan lang sa mga checkpoint natin maipakita ang kanilang mga prueba na legitimate na dahilan upang sila ay mayroong dalang pera,” dagdag ni Tabilas.

Ang sinumang kandidato na mahuhuli at mapatunayang lumabag sa batas ng halalan ay maaaring maharap sa disqualification case at maaari pang makulong ng hanggang anim na taon.

“Bale dalawa ito, admin at saka criminal, ang admin pwede siyang ma-disqualified pero iyong criminal, election offense punishable by up to 6 years of imprisonment, maliban sa disqualification” ani Tabilas.

Ipinaliwanag din ni PNP Regional Director PBGen. Christopher C. Birung, na parehas lamang sa gun ban ang gagawing pag-inspeksiyon sa money ban na ipatutupad ang ‘plain view rule’ at hindi dapat isagawa ang paghalughog sa mga sasakyan.

“Sa pagchecheckpoint natin ay ganun pa rin iyong inoobserbahan nating proseso, visual search sa dumadaan sa’tin, sakaling mayroon tayong makita, at mayroong reports prior information na mayroong nag-transport ng ganitong halaga, ini-inspect po natin, pero nagbabase pa rin sa procedure na thru visual search, hindi pwedeng maghalughog,” ayon kay PBGen. Christopher C. Birung, Regional Director-PRO-2

Sa huli, nanawagan ang PNP at COMELEC Region-2 sa mga kandidato na respetuhin at sundin ang proseso ng isang matapat na halalan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter