PINATOTOHANAN ng tanggapan ng National Security Council ang kumakalat na babala mula sa Foreign Ministry of Japan.
Ito’y kaugnay sa impormasyong terroristic attack sa ilang bansa sa Southeast Asia kabilang ang Japan, Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore, Myanmar at Pilipinas.
Sa katunayan, sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay National Security Council Secretary Hermogenes Esperon, sinabi nito na una na silang nakatanggap ng impormasyon mula sa hindi pinangalanang intel group.
Sinabing isang nagngangalang Abu Hamza Al Malizi na may katungkulan sa Taliban-K group sa Afghanistan ay inatasang manguna para magdeklara ng giyera hindi lang sa Afghanistan kundi maging sa iba pang mga karatig bansa lalo na sa kanlurang-silangang bahagi ng Asya.
Target umano ng Taliban group na ito ang iba’t ibang uri ng religious temples at iba pang pagtitipon sa mga nais nitong mga bansa.
Bagay na agad pinakilos ang Anti Terrorism Council at ang mga katuwang na ahensiya upang tiyaking nasa ligtas na sitwasyon ang bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Esperon na hindi ito dapat na balewalain ng bansa dahil kung intel support lang aniya ang pag-uusapan hindi hamak na mas malawak, mas malaki at mas advance ang intel system ng japan kung kaya’t kailangan ng bansa na mag-ingat.
Sa katunayan nauna na ding sinang-ayunan ng AFP ang Foreign Ministry ng Japan hinggil sa isyu at sinabing hindi ito basta basta mag-aanunsiyo sa mga mamamayan nito kung walang kumpirmasyon sa kanilang bansa.
Ayon sa Palasyo, ipinauubaya na nito sa mga kawani ng PNP at AFP ang pagbabantay sa mga kahina-hinalang tao at bagay sa paligid upang matiyak na ligtas ang publiko sa anumang kapahamakan.
Sa panig ng PNP, bagama’t wala pa anila silang matibay na batayan mula sa nasabing impormasyon patuloy ang kanilang pag-monitor hinggil dito.