Nagbabala si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na maaaring makapinsala sa interes ng Pilipinas ang anumang code of conduct sa South China Sea na hindi kumikilala sa 2016 arbitral ruling.
Ayon kay Carpio, dapat tumanggi ang bansa sa kasunduan kung hindi isasama rito ang desisyong pumabor sa Pilipinas, lalo na kung mapapanatili lamang ang mga itinayong military facilities ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat pumirma ang Pilipinas sa kasunduang hindi saklaw ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na nais namang alisin ng China sa usapan.
Sinabi ni Carpio na may kani-kaniyang kondisyon ang mga claimant country. Kabilang dito ang Vietnam, na nais maisama ang Paracel Islands, kaya mahirap makabuo ng kasunduang katanggap-tanggap sa lahat.
Sa ganitong sitwasyon, maaaring manatili ang mga kasalukuyang military facilities ng China habang napipigilan ang iba pang claimant na magsagawa ng panibagong konstruksyon o militarisasyon.
Dahil dito, nagpahayag si Carpio ng pesimismo na matatapos ang negosasyon sa isang code of conduct na mapangangalagaan ang karapatan at interes ng Pilipinas.
