PINUTOL na ng Nauru, isang maliit na isla sa Micronesia ang ugnayan nito sa Taiwan.
Sa isang statement na inilabas ng bansa, inihayag nito na hindi na nito ikinukunsidera ang Taiwan bilang isang bansa kundi parte ng China.
Ayon pa rito, ang desisyon nito na ibalik ang diplomatikong ugnayan sa China ay para rin sa interes ng bansa at mga mamamayan nito.
Ginawa ng Nauru ang hakbang na ito ilang araw matapos na magsagawa ang Taiwan ng eleksyon noong Sabado, ikalabintatlong araw ng buwan ng Enero.
Bilang pag-responde sa hakbang ng Nauru, inihayag ng Taiwan na puputulin agad nito ang diplomatikong ugnayan sa pasipikong bansa at hiniling na isara na ng nauru ang embassy nito sa Taipei.
Ang Nauru ang kauna-unahang ‘diplomatic-ally’ ng Taiwan na lumipat ng panig sa Beijing kasunod ng eleksyon na isinagawa nito.
Pinuri naman ng Foreign Ministry ng China ang hakbang na ito habang mariing kinondena ng Taiwan ang Beijing at inakusahan na sinilaw ng mga opisyal ng China ang Nauru ng tulong pang-ekonomiya para pumanig rito.
Dahil dito, ang Taiwan ay mayroon na lamang labindalawang diplomatic-ally at karamihan rito ay maliliit na bansa sa Pacific Ocean at Latin America.