ITINIGIL na muna ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paglilipat ng kustodiya sa dating kongresista na si Arnie Teves.
Ito’y dahil maaaring magkaroon ng pagkalito hinggil sa hurisdiksiyon ng iba’t ibang korte.
Nagsampa na rin ng mosyon ang abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio upang pagsama-samahin sa iisang korte ang lahat ng kaso ng dating kongresista.
Sa paraang ito ay magiging malinaw kung saan ito dapat makulong.
Si Teves ay nahaharap sa maraming kaso kaugnay sa mga pagpatay sa Negros Oriental.
Ang 10 bilang ng murder, 13 bilang ng frustrated murder, 4 bilang ng attempted murder, at isa pang kaso ng murder ay nakahain sa Manila RTC Branch 51.
Ang isa na namang kaso ng murder at kaso kaugnay sa illegal possession of firearms and explosives ay nasa Manila RTC Branch 12.
May isa pa itong kaso ng murder na nakahain sa Bayawan RTC Branch 63 habang ang ilang kaso sa ilalim ng terrorist financing prevention and Suppression Act ay sa Qezon City RTC Branch 77.