KINUMPIRMA sa SMNI ng tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si LtCol. Luisito Andaya na nananatiling naka-heightened alert status ang kanilang hanay bilang tugon sa mga posibleng banta ng karahasan na dala ng mga kalaban ng estado.
Nakarating sa kanila ang impormasyon na posibleng maghasik ng ganti o karahasan ang mga miyembro ng BIFF matapos na sila ay malagasan ng tauhan sa isang engkuwentro sa Maguindanao del Sur.
Ayon kay Andaya, hinihigpitan na nila ang nasa 31 control border points papasok sa Metro Manila kung saan isasagawa ang mahigpit na checkpoints sa mga magtutungo sa rehiyon.
Bukod sa isyu ng BIFF, puspusan na rin ang paghahanda para sa nakatakdang ikalawang SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Barangay at Local Elections, Palarong Pambansa at ang FIBA World Cup na gaganapin sa darating na buwan ng Agosto.