NFA pinaiimbestigahan sa Senado dahil sa pagbenta ng 75-K sako ng bigas sa 2 negosyante

NFA pinaiimbestigahan sa Senado dahil sa pagbenta ng 75-K sako ng bigas sa 2 negosyante

INILAHAD ni Sen. Imee Marcos na paiimbestigahan niya sa Senado ang National Food Authority (NFA) dahil sa aniya’y pagkaligaw ng landas ng ahensiya na dapat ay sinisiguro ang mababang presyo ng bigas.

Sa Senate Resolution Number 940 na inihain ni Marcos ay may layuning paimbestigahan ang umano’y pagbebenta ng 75,000 sako ng bigas ng NFA sa dalawang negosyante sa gitna ng kakulangan ng pandaigdigang suplay ng bigas.

“Ang Pilipinas ngayon ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo at ang kawalan ng suplay ngayon ay lalo pang magiging masahol sa darating na mga buwan,” wika ni Sen. Imee Marcos.

Ayon kay Marcos ang Pilipinas ngayon ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo at ang kawalan ng suplay ngayon ay lalo pang magiging masahol sa darating na mga buwan, dulot ng El Niño at mga bansang nag-e-export ng bigas na nagbibigay-prioridad sa kanilang sariling pangangailangan.

Ipinunto ng senadora mula Ilocos na ang kaniyang yumaong ama, na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. ang nagtatag ng NFA noong 1972 upang bumili ng palay mula sa mga magsasaka, para mapanatili ang mababang presyo ng bigas para sa mga Pilipino, at tiyakin ang sapat na buffer stock sakaling magkaroon ng kalamidad.

“Ang NFA rin ang nanguna sa pagbili ng bigas mula sa India. Bakit sila napunta doon kung bawal na bawal sa kanilang charter ang mag-import?” dagdag ni Sen. Imee.

Kaugnay rito ay iginiit ni Senadora Marcos na madalas na hindi natutugunan ng ahensiya ang kinakailangang buffer stock at hindi makaya ang mas mataas na presyo ng palay sa mga magsasaka, na umaabot sa P27 kada kilo noong nakaraang taon tapos nababalitaan pa ngayon na nagbenta ang naturang ahensiya sa dalawang negosyante.

Sinabi ni Marcos na hindi kayang suportahan ng NFA ang lahat ng lokal na magsasaka na desperadong humihiling ng tulong, lalo na kapag napipilitan silang ibenta nang palugi ang kanilang ani o sa halagang mas mababa pa sa gastos ng produksyon nang dahil sa rice smuggling.

Ipinunto ni Marcos na mahalaga na imbestigahan ng Senado ang NFA para repasuhin ang mandato nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble