SINELYUHAN ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang partnership nito para sa pinahusay na seguridad ng transmission assets.
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang paglagda ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng NICA at NGCP sa President’s Hall sa Malacañan Palace nitong Marso 13, 2023.
“What we have witnessed today is a very important event in the continuing effort of our country to protect itself against any attacks from in cyberspace,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Presidential Communications Office, isa lamang ito sa mga inisyatibo ng pamahalaan sa larangan ng energy security at cybersecurity.
Sa talumpati naman ni Pangulong Marcos sa naturang signing ceremony sa Malakanyang, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan nito sa pagpigil sa mga cyberattack sa energy infrastructure.
Bahagi rin aniya ito ng pagpoprotekta sa bansa mula sa mga banta sa power transmission system na isa ring isyu sa larangan ng seguridad.
Iginiit din ni Pangulong Marcos na kailangan nang pagtutulungan ng NICA at NGCP upang maiayos ang mekanismo para sa cybersecurity at intelligence-driven analysis na gagamitin sa patuloy na distribusyon ng kuryente sa mga komunidad.
Sa ilalim ng MOU, magpo-provide ang NGCP ng technical assistance sa NICA, lalo na sa energy-related security issues na higit na makaaambag sa pagsusumikap ng ahensiya pagdating sa cybersecurity.
Ang NGCP ay isang privately owned corporation na nangunguna sa operasyon maging sa maintenance at development ng state-owned power grid ng bansa.
“And that is why we are continuing to shore up our defenses when it comes to cybersecurity, and since NGCP is a critical part of our security , of our ability to continue to function as a society, then this is an important day because we have made more robust the defenses against any possible attacks on our power systems, on any other of the elements in our everyday lives that require power and for that matter that require the exchange and of secure information amongst ourselves in society,” ayon pa kay Pangulong Marcos.
Sa parte naman ng NICA, nangako ang pamunuan nito na magbibigay sa NGCP ng intelligence na tutulong pagdating sa proteksiyon ng power transmission assets na pinangangasiwaan at minementina ng NGCP sa buong bansa.
Sa ilalim ng MOU, ang NICA ay may tungkulin sa pag-integrate ng collected intelligence information mula sa iba’t ibang government instrumentalities, gumawa ng pagsusuri, mag-assess ng datos, magrekomenda ng mga aksiyon sa pag-iingat sa transmission assets ng NGCP.
“Of course NICA which is essentially our lead and premier intelligence agency are now have this MOU which will make much clearer the requirement of our intelligence services to ensure that we are safe and that we are secure,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Kasama ni Pangulong Marcos sa Palace event sina Department of National Defense Officer-in-Charge (DND-OIC) Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., NGCP President and CEO Anthony Almeda, at NICA Director General Retired Police Lt. Gen. Ricardo de Leon.
Ginawa ng NGCP ang MOU kasama ang NICA upang epektibong harapin ang mga pag-atake ng mga lawless elements matapos makaranas ng sabotahe at mga insidente ng pambobomba noong nakaraan na nagresulta sa pinsala sa mga tauhan nito pati na rin ang mga military escort na nagpapatrolya sa lugar ng hurisdiksiyon ng transmission operator.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang paglagda ng MOU ay isang napakahusay na hakbang habang ang bansa ay nagpapaunlad ng mga cyber system nito.