HINAHANAPAN na ng vaccination card ang mga commuters sa Metro Manila sa pagsisimula ng implementasyon ng “No Vax, No Ride’ Policy.
Hindi na makakasakay sa EDSA Bus Carousel kung ikaw ay hindi bakunado.
Bago makasakay sa bus, binubusisi ng mga tauhan ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT) ang mga vaccination card bago magpasakay ng mga pasahero.
Katuwang din ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng polisiya ang MMDA at PNP.
Maging ang mga tsuper at konduktor ay hinanapan din ng vaccination card.
Ayon sa DOTr, mananagot ang mga operators at drivers na hindi maayos na ipatutupad ang ‘No Vax No Labas’ Policy kung saan pwedeng suspendihin ang kanilang prangkisa.
Paglilinaw ng DOTr, mayroong exempted sa nasabing polisiya.
Exempted ang mga may medical conditions pero kinakailangan nilang magpakita ng medical certificate na may pangalan, pirma at contact details ng kanilang doktor.
Habang ang mga lalabas para sa essential goods and services ay dapat na magpakita ng health pass mula sa barangay o iba pang pruweba na magbibigay-katwiran sa kanilang pagbiyahe.
Mga magpapakita ng pekeng vaccination cards o medical certificates, mahaharap sa kasong kriminal – LTFRB
Ayon naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board mahaharap sa kasong criminal ang mga pasahero na gagamit ng pekeng vaccination cards o medical certificates sa gitna ng pagpapatupad ng “no vaccine, no ride” policy.
Babala ni LTFRB at DOTr, mabigat ang magiging parusa dahil bukod sa kulong ay pagmumultahin pa ang mga violator.
Maaring mapatawan ang mga violators ng isang milyong pisong multa at pagkakakulong.