INIHAYAG ng North Korea na nagsagawa ito ng drill para sa Hwasong-17 intercontinental ballistic missile (ICBM) noong nakaraang araw para magbigay ng babala sa mga kaaway nito sa gitna ng malawakang military exercises na isinasagawa ng Estados Unidos at South Korea.
Ang launch drill na ito ay ginabayan ng lider nila na si Kim Jong-un at kinumpirma ang kahandaan sa giyera gamit ang ICBM unit.
Ang ICBM test na ito ay isinagawa ilang oras matapos ang pagsasagawa ng summit sa Tokyo ng lider ng Japan at South Korea para pag-usapan ang mga isyu kabilang na ang kooperasyon laban sa banta ng Pyongyang.
Nagsagawa ang North Korea ng multiple launch noong 2022 ng Hwasong-17 ICBM na may potensiyal na marating ang layo na 15,000 km at kayang maabot ang US Mainland.
Nagpahayag ng kasiyahan si Jong-un sa drill at sinabing haharapin ang anumang kumprontasyon na gagawin laban rito.
Ipinakita sa mga larawan na inilabas ng media ng Pyongyang na si Kim ay sinamahan ng kaniyang anak na babae sa ‘on-the spot guidance’.