MAGING patas sana sa lahat ang National Telecommunications Commission (NTC) at walang mangyayaring palakasan system.
Ito ang naging hiling ni Neng Juliano-Tamano, ang national chairman ng Federation of the International Cable TV and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP) sa panayam ng SMNI News.
Kaugnay ang hiling na ito ni Juliano-Tamano sa nagaganap na ABS-CBN and TV5 merger.
Ayon pa sa FICTAP chairman, maganda siguro na ayusin na muna ng ABS-CBN ang kanilang problema bago nila gawin ang halimbawa’y pakikipag-merge sa TV5.
Naikwento ni Juliano-Tamano na hindi nire-renew ng NTC ang kanilang lisensya kung may nakaligtaan silang bayaran na penalties.
Lubos anilang nirerespeto ang patakarang ito ng NTC at sinisikap nilang mabayaran kung anuman ang dapat bayaran.
Ibinahagi lang ito ng FICTAP chairman para maipabatid kung bakit aniya mas napapansin ng NTC ang pagkukulang ng maliliit na companies gaya nila at hindi ang mga ilegal na ginagawa gaya ng ABS-CBN at TV5 merger.
Samantala, malaki ang kita ng ABS-CBN noong may franchise pa ito ayon kay Juliano-Tamano kaya hindi nakapagtataka na gusto nilang makabalik.