NAGLABAS si overseas Filipino worker (OFW) Party-list Rep. Marissa ‘del mar” Magsino ng House Resolution (HR) 1215 at Kabayan Party-list Rep. Ron Salo ng HR 1218 para ipahayag ang matinding pakikiramay ng House of Representatives sa pagkamatay ni Secretary Susan ‘Toots’ V. Ople at para parangalan ang iniwang legacy of service.
Ito ang inihayag ng mga naturang mambabatas, kasabay ng kanilang pagbisita sa labi ng yumaong kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Chapel 1 ng Heritage Memorial Park sa Taguig City araw ng Miyerkules.
Ayon kay Cong. Magsino, hindi pa man sila nailagay sa kanilang kasalukuyang puwesto, ilang beses na silang nagsamang nakipaglaban ni Ople para sa kapakanan ng mga OFW.
Kaya’t ang pagpanaw ni Sec. Toots ay mag-iiwan aniya ng malalim na sugat, hindi lamang isang haligi sa adbokasiya ang nawala, isang hinahangaang kaibigan at lider din ng bansa.
Para naman sa chairman ng Committee on Overseas Workers Affairs Cong. Salo, ang pagpanaw ni Ople ay isang malaking kawalan sa buong bansang Pilipino.
Siya ay isang mahal na kaibigan at isang kasamahan.
Ang kaniyang pasyon sa pagtataguyod at pagprotekta sa kapakanan ng bawat Filipino Migrant Worker ay tunay na pinahahalagahan.