Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na posibleng layunin ng 18 indibidwal na nagpapakilalang mga dating Marines ang mag-udyok ng rebelyon matapos maglabas ng mga pahayag laban sa pamahalaan kaugnay ng umano’y bribery scheme na may kinalaman sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Remulla, tila may layuning lumikha ng tinatawag na “political tipping point” ang grupo upang maudyukan ang ilang miyembro ng militar na kumilos laban sa gobyerno.
“They are trying to create a political tipping point, alam na natin iyon ‘di ba, they want a branch of the service to rise up in arms, iyon lang naman iyon eh, they are creating a tipping point,” wika ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Hindi naman pinangalanan ni Remulla kung sino-sino ang posibleng nasa likod ng naturang hakbang ngunit iginiit niyang may bahid ng politika ang isyu.
“Oo political kaya iyan, some of them have economic motives, mahirap lang magsalita ngayon,” dagdag ni Remulla.
Nilinaw rin ni Remulla na hindi siya personal na nakikialam sa ginagawang beripikasyon ng Office of the Ombudsman sa mga alegasyon ng grupo.
Sa paunang pagsusuri, lumalabas na hindi lahat sa 18 indibidwal ay tunay na Marines at ang ilan ay wala na sa aktibong serbisyo.
“We’re validating first the identities, siyempre alam natin dapat kung sino-sino itong mga taong ito… not all of them are Marines, not all of them in the active service and many of them were dishonorably discharged,” ani Remulla.
Ayon pa sa Ombudsman, may ilan sa grupo na may kinahaharap pang mga kasong kriminal kabilang na ang murder.
Samantala, pinasusumite ng Ombudsman ang abogado ng grupo na si Atty. Levito Baligod ng hiwa-hiwalay na affidavit mula sa bawat isa sa 18 indibidwal.
“We sent Baligod a word to produce the affidavits, 18 individual affidavits iyan… it covers a span of more than 30 months,” aniya.
Paliwanag ni Remulla, kailangang malinawan kung paano nagkaroon ng magkakatulad na pahayag ang mga complainant kung ang mga alegasyon ay sumasaklaw sa mahigit 30 buwan ng mga pangyayari.
Sa kabila nito, tiniyak ng Ombudsman na magiging patas ang kanilang imbestigasyon.
“Basta fair kami, we’re here to be fair,” aniya pa.
Nauna nang inamin ni Remulla na may nakipagkita sa kanyang mga tauhan ng ICC sa kaniyang bahay, ngunit nilinaw niyang tatlo lamang ang naroon at hindi ang sinasabing 18.
