P1.3-B annual budget ng Dagupan City, aprubado na matapos ang halos isang taong pakikipaglaban ng minorya

P1.3-B annual budget ng Dagupan City, aprubado na matapos ang halos isang taong pakikipaglaban ng minorya

MATAPOS ang isang taon na pakikipaglaban ng minorya sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan, sa wakas ay naaprubahan na rin ang annual budget nito na nagkahalaga ng P1.3-B para sa taong 2023.

Walang mapagsidlan ang sayang nadarama ng mga minorya ng Sangguniang Panlunsod ng Dagupan dahil matapos ang isang taon, naaprubahan na ang badyet ng lungsod na kanilang matagal na ipinaglaban.

‘‘God is good all the time.’’

Ito ang naging kataga ng minorya ng Sangguniang Panlungsod sa kanilang pakikipaglaban para sa annual budget ng Dagupan City na sa wakas ay naaprubahan na rin sa isinagawang regular session.

Ayon pa sa minorya na kinabibilangan nina Councilors Michael Fernandez, Dennis Canto, Jigs Seen, Lino Fernandez, at Joshua Bugayong, hindi nila inaasahan sa nangyaring regular session na maipasa ang budget ng lungsod.

Ayon sa kuwento ni Councilor Lino Fernandez, hindi nila inaasahan na magkaroon ng quorum dahil naka-leave ang tatlong miyembro ng seven majority ngunit dumalo naman ang apat sa pamamagitan ng zoom meeting kaya nagkaroon sila ng pagkakataon na maipasok ang annual budget.

“Hindi namin inaasahan na maiaprub naming, actually ang alam namin hindi kami magkakaroon ng korum. So, ang usapan namin during our breakfast kanina na maaga kaming uuwi kasi nabalitaan namin na tatlo ang naka-leave. Pero pagdating namin doon at nakita namin na naka-zoom meeting ‘yung apat na majority so nabigyan kami ng pagkakataon na ipasok ‘yung annual budget ng City for the calendar year 2023,” ayon kay Councilor Lino Fernandez.

Ayon naman kay Councilor Michael Fernandez, walang nag-object mula sa kabilang panig nang maipasa ang annual budget at ang pag-apruba aniya ng appropriation ordinance ay kailangan lang ng simple majority o kahit anumang numero na mas higit sa kalahati.

“Ang pag-apruba ng appropriation ordinance ang kailangan lang po ay simple majority. So, ano ‘yung simple majority? Basta may korum na any number greater than half is the simple majority. But in this case, noong objection period noon oras na nakalaan para mag-manifest ang kahit sinong miyembro na nag-o-object doon sa pagpasa doon sa annual appropriation ordinance, wala pong nag-object,’’ dagdag pa ni Fernandez.

Sa botong 5 na ‘yes’ laban sa 4 na ‘no’ at 3 on leave ay naipasa ang P1.3-B annual budget 2023 ng Dagupan City.

Dahil dito, nagpahayag ng pasasalamat at pagbati si Vice Mayor Bryan Kua sa limang konsehal dahil sa pakikipaglaban ng mga ito sa annual budget na tuluyan na ngang naaprubahan at aniya, hindi nasayang ang pinapasahod ng taong bayan sa kanila.

‘’Yung kanina nga po for approval na ng third reading noong i-ano ko na po ‘yung gavel medyo emotional na rin ako eh. Kaya nagpapasalamat talaga ako dito sa limang kasama ko po na ipinaglaban simula October ipinaglaban na. Kaya ang masasabi ko lang po sa mga kababayan natin na wala pong nasayang sa ipinasasahod natin sa kanila lima. Congratulations at salamat sa inyong tulong,’’ ayon pa kay Vice Mayor Bryan Kua.

Samantala, sa kaniyang Facebook post ay nagpahayag din ng pagbati si Mayor Belen T. Fernandez sa minority at maging kay Vice Mayor Kua.

Aniya, ang pagpasa ng budget ay nangangahulugan lamang na may budget na para sa 2,500 mahigit na mga karagdagang city scholars, may pondo na rin ang flood mitigation projects, dagdag sahod sa mga regular na empleyado ng gobyerno at marami pang mga proyekto at programa na direktang makikinabang ang mga mahihirap.

Ayon kay Mayor Belen, halos matatapos na rin ang paghahanda para sa 2024 budget at kunting araw na lamang ay plantsado na ito at maaari nang isumite.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter