P1K ayuda vs P10K ayuda ngayong may pandemya

P1K ayuda vs P10K ayuda ngayong may pandemya

LUSOT na sa House Committee on Appropriations ang Panukalang Bayanihan 3 ayon kay Majority Leader Martin Romualdez sa isang Facebook post ngayong Biyernes.

Sa ilalim ng nasabing panukala, may P1,000 ayuda para sa lahat ng Pilipino ngayong panahon ng pandemya.

Ayon sa mga nagsusulong ng panukala, tama lamang na P1,000 ang ibigay dahil 2 tranches ang distribusyon nito.

Ibig sabihin, dalawang beses makatatanggap ng 1K cash aid ang lahat.

“Layering lang yan eh, una muna may base ka isang libo sa lahat. Tapos kung na-quarantine ka meron ka ring extra. Kung nawalan ka ng trabaho meron ka ring extra. Diba kung sa negosyo, meron rin silang mga privileges. It depends on your situation. Pero ang base is first tranche is one thousand ka kaagad,” pahayag ni Rep. Sharon Garin, chairman, House Committee on Economic Affairs.

Ipinaliwanag din ng mga nagsusulong nito na kailangang ibigay sa dalawang tranche ang ayuda sa kabila ng banta ng pandemya.

Paliwanag naman ni Ways and Means Chair Joey Salceda, malaking pondo ang kakailanganin kung ibibigay ng buo ang dalawang libong cash assistance.

Kaya minarapat na hatiin ito sa dalawang tranche.

“We want but kasi baka lalo tayong magutom po pag dinowngrade tayo,” ani Salceda.

“It’s the availability of funds, may limitation din tayo,” dagdag naman ni Garin.

1K ayuda, impractical ngayong may pandemya —Cayetano

Samantala para kay dating Speaker Alan Peter Cayetano, impractical ang 1K ayuda ng Bayanihan 3 kumpara sa 10K ayuda bill na isinusulong nito.

Sa panukala ng dating speaker, P10,000 ang matatanggap na ayuda ng bawat pamilyang Pilipino.

“Ang tingin namin, masyadong impractical ito. Dalawa po ang aming idedebate or ipaglalaban. Number 1, mas may impact sa buhay ng tao yung 10k per family because sapat ito para magbayad ng tubig, ng kuryente, konting pagkain. Pero kung mangakalahati noong 10K pwedeng pangnegosyo,” ayon kay Cayetano.

“Doon sa 10K per family sanay na tayo give for family. May listahan na tayo. Lalawakan lang yung listahan kasi may problema pa rin. Sa 1K per individual, anong gagawin mo? Pati 9 years old na baby, papipilahin mo? 90 year old na si lolo at lola papipilahin mo?” kwestyon ni Cayetano.

Diin din ni Cayetano na mahihirapan ang local government units kung dalawang beses magkakaroon ng payout lalo pa at nariyan pa rin ang banta ng COVID-19.

Sa bagong bersyon naman ng Bayanihan 3, inatasan ang Bureau of Treasury na isumite sa Kongreso ang certification ng available na pondo na siyang gagamitin para sa unang phase ng panukala.

Sa unang phase, P167 billion ang ilalabas na pondo, P196 billion sa second tranche at P42.6 billion sa ikatlong tranche.

Para sa ayuda, mahigit sa P200-B ang budget dito sa Bayanihan 3.

“Ang gagawin natin Maam Sharon, kung ano yung certification na availability of funds will be the issue of the Bureau of Treasury then the remaining will be standby fund,” pahayag ni Rep. Ruwel Gonzaga, vice chairman, House Committee on Appropriations.

Committee of the Whole, ipinanawagan sa paghimay sa Bayanihan 3

“Ngayon, ito nga yung aming panawagan ano na para magkaroon tayo ng Committee of the Whole, i-convert natin yung kongreso para nang sa ganon lahat nakakapag-participate sa Congress pati na yung mga hindi member ng mga committee nakakapag-participate sa isang usapin na nakapaimportante,” ayon kay Rep. Dan Fernandez.

Samantala, 300 katao naman ang nabigyan ng 10K ayuda ngayong araw sa Laguna.

Bahagi ito ng paghimok ng kampo ni Cayetano na mas mainam ang 10K ayuda kumpara sa 1K ayuda ngayong may pandemya.

(BASAHIN: Kahalagahan ng pagpasa sa panukalang Bayanihan 3, ipinaliwanag)

SMNI NEWS