NAG-isyu ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mga regulasyon para mas matutukan ang pagmo-monitor ng mga nagmamanupaktura, nag-aangkat, at nagbebenta ng vape at sigarilyo.
Batay sa datos ng BIR, sa taong ito nasa mahigit 500,000 pakete ng illicit cigarettes at mahigit 170,000 na produkto ng vape ang nakumpiska ng ahensiya.
Sa isang public briefing nitong Huwebes, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na tinatayang nasa P7.2-B ang tax liability ng illicit trade na ito ng mga produktong sigarilyo at vapes.
Kaugnay rito, naglabas ang BIR kamakailan ng patakaran na mag-implementa ng paglalagay ng stamps sa vape products.
Inanunsiyo ng BIR ang mandatoryong paglalagay ng tax stamps sa lahat ng vape products na ibinibenta sa bansa na sinimulan nang ipatupad noong Hunyo 1.
Ito ay sa bisa ng BIR Revenue Memorandum Circular 59-2024 na naglalayong matugunan ang paglaganap ng unregulated vape products sa merkado.
“Patuloy rin po ang pagdadayalogo natin sa mga negosyante o iyong mga nagnanais na mag-manufacture, mag-import at magbenta ng mga sigarilyo at mga vape products para naman matulungan sila na mag-comply ng kanilang mga registration requirements at magbayad nang tamang buwis,” ayon kay Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.
BIR, muling nagpaalala tungkol sa pagkakaroon ng internal revenue stamp ng vape products
Dahil may stamps na ang vape products, nakasisiguro ang BIR na magiging pahirapan ang bagong polisiyang ito para sa mga gumagawa ng ilegal na gawain.
Kung walang stamps ang vape products na ito, ibig sabihin, hindi bayad ang excise tax ng produktong ito.
“Tama po ‘no. Kasi noong nakaraan ay wala pong stamps na nakaakibat diyan sa mga vape products kaya naman hindi natin malalaman kung bayad ang excise tax patungkol dito sa mga produktong ito,” ani Lumagui.
Tiniyak naman ng BIR na may mahigpit na security features ang naturang stamp para maiwasan na mapeke ang mga ito.
Una nang nagpaalala ang BIR na dapat siguraduhin na compliant sa BIR requirements, tax stamp, at minimum floor price ang mga vape na ipinagbebenta o bibilhin.
Sa kabilang banda, pinaiigting na rin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbabantay sa physical at online stores ng mga vape product.
“So, ngayon po maliban sa panghuhuli natin doon sa pag-market at saka pagbibenta sa mga menor de edad ay manghuhuli na rin tayo beginning September 2024 – iyong mga vape products na hindi po dumaan sa DTI for registration,” ayon kay Asec. Amanda Nograles, Consumer Protection Group, DTI.