KINUMPIRMA ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac na tuluyan nang lumubog ang MV Tutor na unang inatake ng missiles ng Houthi rebels sa Red Sea nitong Hunyo 12, 2024.
Sinabi ni Cacdac na huling namataan ang barko noong Hunyo 17, 2024.
Lumubog aniya ang MV Tutor sa bahagi ng Eritrea sa East Africa.
“Yes, the vessel is lost and apparently sank. There is an oil sleek as reported that was spotted at around the same projected location at the ship,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.
Gayunpaman, tiniyak ni Cacdac na tuloy ang search operations sa nawawalang Pinoy seafarer.
“Missing which means he’s not, still not found. We cannot officially confirm his death or he’s passing, he still missing,” ani Cacdac.
Nilinaw naman ng opisyal na walang timeframe sa paghahanap sa nawawalang tripulanteng Pinoy.
Patuloy rin ang kanilang pagsuporta sa pamilya ng missing Pinoy crew.
Patuloy rin aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa may-ari ng MV Tutor at sa manning agency ng Pinoy seafarers para sa mga benepisyo ng mga ito.
Matatandaang Hunyo 12, 2024 nang mangyari ang pag-atake ng Houthi rebels sa Gulf of Aden sa barko na MV Tutor kung saan sakay ang 22 Pilipinong seafarer. 21 sa mga ito ay ligtas at nakauwi na nitong Lunes sa Pilipinas.