WALANG problema para kay Senator Robinhood Padilla ang pag-viral ng video hinggil sa kaniyang kakaibang “I Move” motion.
Matatandaang kamakailan sa plenary session ng Senado, imbis sabihin sa ingles ay nakasalin sa tagalog ang kaniyang pagkasabi ng “I Move” upang tanggapin ang mga amyenda na inilagay sa kaniyang Senate Bill 1410 o National Hijab Day kada Pebrero 1.
Sa katunayan aniya, sa panayam ng SMNI News, ikinagalak niya ang hakbang na pagpapa-viral ng video.
Daan aniya ito upang mas maipatindi niya sa lahat ang kaniyang kagustuhan na gamitin ang lengguwaheng Filipino sa Senado.
Ayon kay Padilla, hindi lahat ng Pilipino ay nakakaintindi sa mga Ingles na sinasabi sa hearing kaya’t mainam aniya na sabihin ito sa Tagalog.
Sinabi naman ni Padilla, sanay na rin siya sa mga bashing noong nasa showbiz industry pa ito.
Sa kabila nito ay sinabi ni Padilla na sinusunod niya na ang angkop na sasabihin tuwing may session o committee hearing.
Halimbawa aniya ay sa pagdinig ng Maharlika Fund Bill kung saan Ingles at Tagalog na ang kaniyang isinasagot.