Pagbili ng submarine para sa PH Navy, maiging pinag-iisipan at pinagpaplanuhan—Navy Official

Pagbili ng submarine para sa PH Navy, maiging pinag-iisipan at pinagpaplanuhan—Navy Official

PINAG-iisipan nang maigi at pinagpaplanuhan nang maayos ang balak na pagbili ng Pilipinas ng submarine, kagaya ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., nasa plano pa ang usapin ng pag-procure ng submarine para sa hukbong dagat.

Ito ang binigyang-diin ni Philippine Navy Chief of Naval Staff Rear Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta sa televised public briefing nitong Lunes, May 29, 2023.

Sa katunayan aniya, ay mahigit 10 taon na ang nakalipas nang magsimulang magplano ang navy ng pag-procure ng submarine.

Dagdag pa ni Ezpeleta, sinimulan na rin ang pag-train ng kanilang mga tauhan at pinapadala sa ibang bansa para mapag-aralan paano magpatakbo, mag-alaga at mag-maintain ng isang submarine.

Subalit, kinakailangan pa rin aniya ng malalimang pagpaplano kaugnay ng pagbili nito dahil bukod sa hindi ganoong kadali ang pag-operate ng submarine, ay napakamahal pa ng presyo nito.

 “Kagaya po ng sinabi ni Pangulong Marcos, ito po ay nasa plano na natin ‘no ng Philippine Navy. Ang ano lang po is iyong gusto nating unahin sana iyong ating mga surface platform, mga barko, kasi napakalaking commitment ang pagkuha ng isang submarine.

So, hindi po ganoong kadali at saka iyong kaniyang presyo ay napakamahal kaya pinag-iisipan po at pinagpaplanuhan natin nang maayos,” ayon kay Rear Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta, Chief of Naval Staff, Philippine Navy.

Una nang binigyang-diin ni Pangulong Marcos na nananatili pa rin ang plano ng gobyerno na makabili ng mga submarine para sa Philippine Navy.

Inilahad ng punong ehekutibo na patuloy na nakatatanggap ang pamahalaan ng alok mula sa iba’t ibang mga bansa para sa mga submarine.

Gayunpaman, kinakailangan aniya ng malawak pang mga pag-aaral dahil siguradong hindi ito small commitment lamang.

 “There is a plan. But it’s still being developed, dahil ang commitment para mag-operate ng submarine is not a small commitment, it is a very large commitment because the training that is involved, the equipment that is involved and the operational requirements that are involved are quite significant,” ayon kay Pangulong Marcos.

PH Navy, tuluy-tuloy ang pagkuha ng mas maraming barko at aircrafts

Samantala, tiniyak naman ni Ezpelita na makakukuha pa ang Philippine Navy ng mas maraming modernong barko at sasakyang panghimpapawid.

Inihayag ito ng naval staff chief, matapos ang pagkomisyon sa serbisyo ng dalawang Israeli-made fast-attack interdiction craft (FAIC) platform kamakailan.

Bahagi aniya ito ng nagpapatuloy na modernization efforts sa hukbong dagat ng Pilipinas.

 “Sa atin pong mga plano ng modernization, marami pa pong mga  bagong barko na parating  ng Philippine Navy not only ships but also aircraft and iyong ating Philippine Marines tuluy-tuloy din po ang kanilang modernization,” ani Ezpeleta.

Idinagdag pa ng navy official na tuluy-tuloy rin ang training ng mga tauhan sa hukbong dagat gayundin ang recruitment para magkaroon ng mga technical people na magpapatakbo ng modern ships.

“Ang pinaka-importante po dito is iyong ating kahandaan. So, ang ating mga tauhan ay tuluy-tuloy din po ang kanilang training para makapag-man ng mga modernong barko natin,” ani Ezpeleta.

Magugunitang sinaksihan ni Pangulong Marcos ang pag-komisyon ng 2 fast attack interdiction craft-missile platforms, ang BRP Gener Tinangag at BRP Domingo Deluana — na in-order ng Philippine government noong 2019 na nagkakahalaga ng P10 billion.

Saad ng Philippine Navy, ang vessels ay dineploy sa mahalagang choke points, pangunahing sea lines ng komunikasyon at littoral domains ng bansa.

Sinabi naman ni Pangulong Marcos na ang 2 Navy vessels ay gagamitin para sa pagpa-patrol sa West Philippine Sea (WPS) at para sa disaster response.

“Lahat ‘yan ginagamit talaga natin pang-patrolya, hindi lamang sa West Philippine Sea kung hindi doon sa civil defense.

“Since they have already been commissioned then talagang ito ay isasama na natin sa imbentaryo ng ating mga patrol para gagamitin, both for the defense from external forces and also for civil defense sa pagtulong sa mga disaster na nangyayari dito sa Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter