LUSOT na sa House Committee on Agriculture and Food (HCAF) ang substitute bill na muling pagbuhay sa industriya ng asin sa bansa o ang Philippine Salt Industry Development Act.
Layon ng panukala na gawing moderno ang domestic salt production pagkatapos ng matinding pagbaba sa output dahil sa urbanisasyon, paglaki ng populasyon, at kompetisyon mula sa mga import.
Nakapaloob sa panukala na gagamitan na ng developmental approach ang pamamahala sa industriya ng asin.
Bubuo rin ng Philippine Salt Industry Development road map at isang inter-agency body upang tiyak na maipatutupad ang panukalang batas.
Aalisin na rin ito sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil tutukuyin na bilang isang produktong agrikultura ang asin.
Ibig sabihin, mapapasailalim na ito sa Department of Agriculture (DA).