IBINALIK nang muli ng Bureau of Corrections (BuCor) ang visiting privileges ng mga bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City at sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City, makaraan ang higit sa 2 linggong suspensiyon dahil sa COVID-19.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang, Jr. na maaari nang madalaw ang mga persons deprived of liberty (PDL) dahil deklarado nang COVID free ang dalawang piitan.
Gayunman ay may isang personnel ng CIW ang nananatili pa sa isolation facility pero papayagan nang makapasok sa trabaho sa susunod na linggo.
Nilinaw naman ng BuCor na patuloy pa ring ipinatutupad ang minimum health protocol sa lahat ng mga bisita tulad ng pagsusuot ng face mask at naglagay na rin sila ng sanitizing area.
Samantala, obligado pa rin ang mga bisita sa NBP na magprisenta ng rapid antigen test negative result, 24 oras bago ang pagbisita.
Ang visitation schedule ay mula Miyerkules hanggang Linggo, 7 am – 3 pm.