SA nakaraang pagdinig ng House tri-committee patungkol sa isyu ng fake news, muling inimbitahan ng mga mambabatas ang ilang social media vloggers. Karamihan sa kanila—kilalang DDS vloggers o supporters ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Pero hindi sumipot sina Sass Rogando Sasot, Jeffrey Celiz, at Lorraine Badoy-Partosa sa naturang pagdinig. Dahil diyan—na-cite for contempt ang mga ito. Paliwanag ng tri-committee—dahil umano ito sa pagtanggi nilang sumunod sa summon nang walang legal na dahilan.
Cited for contempt din ang isa pang vlogger na si Mark Anthony Lopez dahil umano sa “undue interference during the proceedings.” Ang nagmosyon para dito ay si Abang Lingkod Party-list Representative Joseph Stephen Paduano.
Sabi ni Lopez—higit pa sa contempt ang ipinataw sa kanila dahil pinapa-detain sila ng hanggang tatlong buwan o hanggang matapos ang pagdinig ng tri-committee sa isyu ng fake news.
“‘Yung legislative overreach nila, ‘yung arrogance, pumupunta sila d’yan sa harap ng taumbayan para mag-threaten, para mag-humiliate at kapag hindi ka sumagot ng gusto nilang sagot, iko-contempt ka nila. Napakabibigat ng kamay. Ipinapakita talaga nila. Hindi lang chilling effect ito—talagang ini-enforce na nila.”
“Detain us for 3 months, take away our liberties, take away my freedom to express myself. Why? Just because we are critics of the government. Ano ito? Demokrasya pa ba ito?” wika ni Dr. Lorraine Badoy, Former Communications Undersecretary.
Dagdag pa ni Badoy—ang panggigipit sa kanila ng mga mambabatas ay isang malinaw na pagyurak sa karapatan ng bawat Pilipino sa malayang pamamahayag.
Sa kabilang banda, nagpapasalamat naman si Usec. Lorraine Badoy dahil nalalantad ngayon ang tunay na ugali ng mga mambabatas sa Kamara lalo na ngayong nalalapit ang eleksiyon.
Aniya, dahil sa ginawa ng mga ito ay nararapat lamang na hindi na sila muling pagkatiwalaan ng publiko upang bigyan ng kapangyarihan.
“Ipinakita nila ngayon—salamat! Maliwanag na ang sinasabi nila sa Pilipino: huwag n’yo kaming pagkatiwalaan sa kapangyarihan. Kasi ‘pag binigyan n’yo kami ulit ng kapangyarihan, pagbubuhatan namin kayo ng mga kamay namin. Hindi kayo puwedeng magsalita; hindi kayo puwedeng mag-express ng opinyon ninyo. And you know in democracy napakahalaga ng freedom of expression, press freedom,” wika ni Dr. Lorraine Badoy, Former Communications Undersecretary.
Nanawagan naman si Dr. Lorraine Badoy sa publiko na huwag nang iboto ngayong darating na midterm election ang mga mapagmalabis na mambabatas.
“Huwag n’yo nang iboto ‘yan! Huwag nating sayangin ‘yung hinarap nung mga vlogger na nandoon with great courage humarap sila. Huwag nating sayangin ‘yung sakripisyo nila kasi tinanggalan nila ng maskara at inilantad kung sino itong mga ito—kalalakas ng loob humingi ng tiwala ng bayan habang binababoy ang mga simpleng mamamayan na nagsasalita lang,” aniya.
Nilinaw naman ni Badoy na nananatili ang kaniyang respeto para sa institusyon ngunit hindi para sa mga mapang-abusong mambabatas.
Follow SMNI News on Rumble