GUMULONG na sa Senado ang pagdinig sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, at ang pagdagdag ng EDCA sites.
Pinangunahan ni Sen. Imee Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.
Kabilang naman sa dumalo si National Security Adviser Sec. Eduardo Año, DND Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., AFP chief Gen Andres Centino.
Sa pagdinig ay agad kinuwestiyon ni Sen. Imee ang criteria sa pagpili ng lokasyon para sa EDCA sites.
Nagtataka si Sen. Imee kung bakit sa Cagayan, Isabela, at Zambales, na nasa hilagang bahagi ng bansa, itatayo ang karagdagang EDCA sites kung ang tension sa pinag-aagawang teritoryo naman ay nangyayari sa kanluran o sa West Philippine Sea.
Si Cagayan Gov. Manuel Mamba ay nababahala rin dahil sa posibilidad na madamay ang kanilang lugar sa giyera.
Sinabi ni Mamba na hindi nakonsulta ang mga mamamayan sa Cagayan na napapaulat na pagtayuan ng isa o dalawang kampo ng mga Amerikanong sundalo.
Inilahad din ni Mamba na ginagapang ang ilang lokal na opisyal para kumbinsihin na suportahan ang EDCA sites.
“You know, they are trying to pit kahit yung mga mayors pinupuntahan ng kung sino-sino jan… pero kung hindi kami sasali jan ay I’m sure hindi kami tatamaan, I’m sure,” ani Gov. Manuel Mamba, Cagayan Valley.
Depensa naman ni Galvez, maari pang magbago ang lokasyon ng mga itatayong EDCA sites.
Paliwanag niya na nang mapagkasunduan ang karagdagang EDCA sites ay tanging bilang lamang ang napag-usapan at hindi ang lokasyon.
Hirit din ni Galvez na nasa Norte ang mga EDCA sites dahil doon gaganapin ang Balikatan Exercises.
Ang pahayag ni Galvez ay ikinababahala rin ni Sen. Imee dahil ang napapaulat na itatayong military bases ng US sa Luzon ay may posibilidad na maging target din ng ibang bansa.
“Iba kasi eh, nagpepreposition ang Amerika kasi gusto nilang umatake. Eh tayo naman ang madadali,” ani Sen. Imee Marcos, Chairman, Committee on Foreign Relations.
Para naman kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa dapat linawin ng gobyerno sa Estados Unidos na hindi sila manggagamit ng bansa.
“Ang sa akin lang, ang Amerika klaruhin nila ang kanilang purpose dito … dapat walang ganunan,” saad ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Posibleng magkakaroon ng kasunod na hearing para sa karagdagang EDCA sites.
Ayon kay Sen. Imee, marami pang kailangan pag-aralan patungkol dito.