HINDI sang-ayon si Cagayan Governor Manuel Mamba na magkaroon pa ng karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas.
Sa panayam ng SMNI news, sinabi ni Mamba na hindi ikakaganda ng Cagayan ang EDCA dahil parang imbitasyon lang ito sa nuclear attack.
Mababatid sa Cagayan itatayo ang isa o dalawa sa mga idadagdag na EDCA sites.
“Sa tingin ko po, hindi ikakaganda ng Cagayan kung ilalagay nila dito ‘yan dahil para sa akin, ‘yan po ay invitation, magnet sa nuclear attack sa Cagayan kung ang kalaban po ng Amerika ay nuclear powered din, may nuclear capability, tayo ay maisasali sa hindi naman dapat kasali sa ganyang klase ng gyera,” ani Governor Mamba.
Ayon kay Gov. Mamba, imbis na EDCA, mas mainam pa ang makipagkaibigan sa China dahil mas uunlad pa ang Pilipinas sa larangan ng ekonomiya.
“Mag-iiba po ang Pilipinas if we will have trade with China. Maniwala po kayo especially tourism, exchanges. They need our food, they need our young population and they need us. We don’t need to quarrel them. ‘Yun po ang stand natin dito, kasama po natin ‘yan, malayo po ang Amerika sa atin. They became our conquerors, they took advantage of us. Tama na po ‘yun. Para sa akin, let us partner, let us have an ally sa mga neighbors who need also what we can produce being a tropical country,” saad nito.