Pagkasawi ng 6 sundalo sa bakbakan vs Dawlah Islamiyah sa Lanao del Norte, labis na ikinalungkot ni PBBM

Pagkasawi ng 6 sundalo sa bakbakan vs Dawlah Islamiyah sa Lanao del Norte, labis na ikinalungkot ni PBBM

NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palalakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa mga teroristang grupo.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos mamatay ang anim na sundalo sa pakikipagsagupaan sa grupong Dawlah Islamiyah (DI) na may kaugnayan sa Islamic State sa isang liblib na nayon sa Munai, Lanao del Norte noong nakaraang linggo.

Sa kaniyang pinakahuling vlog, inihayag ng Punong Ehekutibo na labis nitong ikinalungkot ang nangyari.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kinikilala ng pamahalaan ang mga sakripisyo at katapangan na ipinakita ng anim na sundalong namatay sa kanilang sinumpaang tungkulin, na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan, at labanan ang terorismo.

Anim ang patay at apat na iba pang miyembro ng 44th Infantry Battalion ng Philippine Army ang nasugatan sa bakbakan sa DI Group sa Brgy. Ramain noong Pebrero 18.

Kilala ang DI Group na kumikilos sa mga komunidad sa boundary ng Lanao del Norte at Lanao del Sur.

Samantala, pinaigting ng militar ang manhunt operations laban sa DI Group habang inihanda ng 1st Infantry Division ng Army ang full military honors para sa anim na nasawing sundalo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble