NAKAUWI na sa bansa ang Philippine delegation mula Timor-Leste, bigo ang mga ito na agad na madala sa bansa ang arestadong si Ex-Cong. Arnie Teves.
Marso 21, araw ng Linggo nang lumipad ang PH delegation sa Timor-Leste para isilbi ang red notice ng INTERPOL laban kay Teves na nahaharap sa kasong multiple murder sa Pilipinas matapos ang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ang delegasyon ng bansa ay pinangunahan ni NBI Director Medardo de Lemos.
Ayon kay De Lemos, dalawang oras pagkatapos silang makalanding sa Timor ay agad namang umaksiyon ang Timor-Leste Government at inaresto si Teves habang naglalaro ito ng golf.
Pero pahirapan at mainit ang mga naging sitwasyon sa pagkuha ng litrato sa arestadong si Teves.
Gusto kasi ng delegasyon na makakuha ng litrato nito para pruweba na si Teves nga ang naaresto ng Timor-Leste Police.
Maging ang pagkuha ng finger print ni Teves ay naging pahirapan, maging ang pagpapapasok sa selda nito ay naging mahigpit.
Nagkaroon din umano ng tensiyon sa pagitan ng PH delegation at abogado ni Teves sa Timor.
Nakatakip umano ang mukha ni Teves at may sombrero habang nasa loob ng selda na kalaunan ay boluntaryo rin nitong tinanggal at nakipag-usap sa NBI.
Teves, takot mapauwi sa bansa—NBI
Sa pag-uusap ni De Lemos at Teves, ay umamin itong natatakot siyang mapauwi sa Pilipinas.
Bigo ang NBI na mapauwi agad si Teves dahil sa Court proceedings na kailangang pagdaanan para sa apela ng Philippine Government.
Magtatagal ang court proceedings mula 7 o hanggang 40 days.
Dito aniya didinggin ang merito ng Red Notice laban kay Teves at saka pa lalabas ang desisyon ng korte sa apela ng Philippine Government.
May mga iba’t ibang legal remedies na maaring gawin ang gobyerno para mapauwi si Teves pero ayon kay De Lemos mas gusto nila ang deportasyon para mas mabilis na pagpapauwi kay Teves lalo na’t kanselado na ang pasaporte nito.
PH delegation sa Timor Leste, nakauwi na ng Pilipinas pero bigo pang mapauwi ang arestadong si Teves
Sa ngayon ay balik-Pilipinas na ang NBI at saka sila babalik sa Timor-Leste pagkatapos ang court proceedings.