Paglalagay ng name tag o leash sa mga bata ngayong Holy Week, iminungkahi ng PNP

Paglalagay ng name tag o leash sa mga bata ngayong Holy Week, iminungkahi ng PNP

HINIMOK ng Philippine National Police (PNP) ang publiko ngayong papalapit na Holy Week o Semana Santa ang paglalagay ng leash o strap sa kamay ng mga bata.

Ang nasabing anti lost strap ay makatutulong para maiwasang mawala ang mga bata habang nasa gitna ng bakasyon o nasa lugar na may maraming tao.

Sa panayam ng media sa Quezon City Journalists Forum, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Spokesperson PLtCol. May Genio na karaniwang mga insidente na kanilang naitatala tuwing Semana Santa ang mga nawawalang bata.

Bukod pa aniya ito sa iba pang krimen na nagaganap tuwing sasapit ang nasabing panahon.

Sa kabilang banda, nakikiusap din ang pulisya sa publiko na iwasang mag-iwan ng mahahalagang gamit sa mga sasakyan na makakakuha ng interes ng mga kriminal na sirain at pagnakawan ito.

Gayundin naman ang mga bahay ay dapat aniya’y iwanan itong nakakandado at nakasara ang mga pinto at bintana o iiwan sa pinagkakatiwalaang kapitbahay o kamag-anak para maiwasang mabiktima ng mga akyat-bahay.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter