TINALAKAY ng mga opisyal ng dalawang bansa ang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Japan.
Nag-courtesy call sina Japan Parliamentary Vice Minister of Defense Tsuyohito Iwamoto, at Japanese Ambassador to the Philippines Kosikawa Kazuhiko sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Mainit silang sinalubong ni AFP chief of staff General Andres Centino kung saan isang maikling pulong ang naganap sa pagitan ng mga opisyal.
Ayon kay Centino, nakatuon ang nasabing pulong sa pagsusulong ng bilateral engagements sa pagitan ng Pilipinas at Japan na nakaangkla sa umiiral na defense cooperation agreements.
Natalakay rin ang kontribusyon ng dalawang bansa sa isang maunlad na rehiyon, na naglalayong itaguyod ang kapayapaan at kaunlaran at palakasin ang democratic resilience.
Samantala, pinasalamatan ni Centino ang tulong ng Japan sa Air Surveillance Radar System Acquisition Project sa ilalim ng AFP Modernization Program.