Pagpapalit ng administrasyon, sinasamantala ng mga drug lord – NBI

Pagpapalit ng administrasyon, sinasamantala ng mga drug lord – NBI

INAASAHAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) na sasamantalahin ng mga drug lord ang pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at pagpapalit ng bagong administrasyon ng bansa.

Sinabi ni NBI OIC, Director Eric Distor sa panayam ni Rev. Dr. Pastor Apollo C. Quiboloy ng SMNI sa ginanap na SMNI Exclusive, hihigpitan pa ng NBI ang kanilang pagbabantay.

Ayon kay Distor, ito ay kaugnay ng isinagawang drug operation na aniya’y tila na-‘challenge’ ang naturang sindikato kaya binabalak nito na doblehin ang susunod na isasagawang transaksyon.

“Pastor, sampu po ito and we heard information na ‘yung ulo nitong sindikato ay na challenge and in fact, dodoblehin niya ‘yung ipasok at sasamantalahin niya ang change of administration,” pahayag ni Director Eric Distor, NBI OIC.

Dagdag pa sa hamon na kinaharap ng NBI ay ang mga kagamitan ng naturang sindikato.

“Marami po Pastor. Usually, itong coastline natin and even on some regular ports, ito sila ay nag-aaral din Pastor. ‘Yung mga x-ray nila meron din sila. So, tini-testing din nila ‘yung trucks nila, itong mga equipment nila kung saan nila sinisingit ito. Kailangan lang talaga tiyaga and ‘yung passionate na pagtrabaho sa gobyerno lalo na kung sa drugs. Hindi ito basta-bastang binababa lang nila hanggang hindi nila nape-perfect ‘yung kanilang—May x-ray machine din ang mga ito. Pastor, even K-9 dogs tini-testing din sila. Ganun po ang laban Pastor,” ayon kay Distor.

Ani Distor, sa loob ng 25 taong pagseserbisyo, ang naturang operasyon ang pinakamahirap.

“In my 25 years of service, isa po ito sa pinakamahirap. I ordered our intelligence agency to case build-up and deployed 35 to 50 intel and investigative agents. And we used modern digital and electronic equipment,” ani Distor.

Itinuturing na pinakamalaking drug haul sa buong kasaysayan ng Pilipinas at ang pangalawa sa buong Asya ang naturang operasyon matapos masabat ang aabot sa 1.6 toneladang shabu na nagkakahalaga ng P11 bilyon.

Kaya naman, dahil sa matagumpay na operasyon, naisalba ng NBI ang dalawang henerasyon ng mga Pilipino na posibleng mabiktima ng iligal na droga.

“Yung tulad ng ganoong karami, 1.6 tons worth 11-12 billion … the biggest in South East Asia, second in the world. Pag ‘yun nai-distribute sa calculation mo, ilan ang mga tao, kabataan o mga tao ang makakatanggap, ‘yung magiging epekto, the whole Philippines ‘yan di ba?” tanong ni Pastor Apollo.

“Ang bigat nito Pastor, ang damage nito ay baka 2 generations ng Pilipino,” tugon ni Distor.

Matatandaan na nitong Mayo 23, 2022 ay ginawaran ng Order of Lapu-Lapu si NBI OIC Dir. Eric Distor, ito na ang pinakamataas na award na maaaring matanggap ng isang law enforcer.

“Ito’y nakakatakot kasi isa ito sa flagship projects ng ating Pangulo, ito talagang drugs. Kasi 18 yrs before 2016, pinahayag ng Ama sa akin na si Pangulong Duterte ay magiging presidente at nakita ko for this reason na babagsak na tayo at magiging narco-state, if it not had been for him to be elected as a president. Kung hindi nangyari ‘yun, maaaring narco-state na tayo ngayon. So tulad ng pagtitiwala niya sa’yo at binigyan ka nitong award na’to—alam ko hindi lang basta-basta nagbibigay lang ng award ng ganyan ang ating Pangulo kung hindi niya talaga napagkatiwalaan, lalung-lalo na sa usapin na drugs, mainit-init ang ating Pangulong Duterte riyan,” ayon sa butihing Pastor.

“Pastor, this is the highest award that law enforcer can have in his life,” tugon ni Distor.

“’Yan ang pinaka-highest na natanggap mo,” pagsang-ayon ni Pastor Apollo.

Samantala, sinabi ni Distor na matagumpay at malayo na ang narating ng administrasyon ni Pangulong Duterte laban sa korupsiyon, droga, at kriminalidad.

“Pastor, malayo na po ang narating ng PRRD Administration in fight against corruption, drugs and criminalities, I can say na successful po ito. Meron lang konting mga isolated cases na in fact kami nag-iimbestiga and I can say na some lapses and operations at nai-file na po natin ‘yung iba there should be check and balance din po,” ani Distor.

Dahil sa tagumpay na ito ng NBI sa ilalim ng pamumuno ni Distor, hiling ni Pastor Apollo na hindi muna ito maaalis sa pwesto dahil mahirap aniya na makahanap ng matinong lider lalo pa’t pera ang sangkot dito.

Follow SMNI News on Twitter