ISINUSULONG ngayon ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagpapatayo ng pampublikong Math at Science High School sa bawat probinsiya sa bansa.
Ito ay upang mapabuti sa mathematical and scientific literacy ang mga mag-aaral sa bansa kasunod sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Sa resulta ng PISA, makikita na ang Pilipinas ay pang-76 mula sa 81 na bansa sa Mathematics habang pang-79 naman sa Science.
Sa Mathematics, 84% ng mga mag-aaral na 15-taong gulang ang maituturing na may below minimum proficiency habang sa Science, 77% ng mga mag-aaral ang nasa below minimum proficiency.
Sa kaniyang Senate Bill No. 476 o Equitable Access to Math and Science Act, ang mga itatayong pampublikong Math at Science High School ay magpapatupad ng anim na taong Integrated Junior-Senior High School Curriculum na tututok sa Advanced Science, Mathematics, at Technology subjects.
Ibabatay ang curriculum sa revised curriculum ng Philippine Science High School System para sa Grade 7 hanggang Grade 12.
Dapat namang mag-enroll ang mga mag-aaral na magtatapos dito sa mga larangan tulad ng Pure and Applied Sciences, Mathematics, Engineering, Technology, at iba pang larangan.
Ayon kay Gatchalian, ang pagkakaroon ng nabanggit na paaralan ay makatutulong na mapayabong ang sektor ng Research and Development ng Scientifically Literate Workforce na mag-aangat ng income status ng bansa.
Maibibigay rin sa mas maraming mga kabataan ang kalidad ng edukasyong kinakailangan ng mga susunod na scientists, engineers, mathematicians, at iba pang mga propesyonal sa Pilipinas.