Pagpapatupad ng travel ban sa Indonesia dahil sa Delta variant, pinag-aralan

Pagpapatupad ng travel ban sa Indonesia dahil sa Delta variant, pinag-aralan

PINAG-AARALAN na ng mga eksperto ang posibleng pagpapatupad ng travel ban sa Indonesia dahil sa banta ng Delta coronavirus variant ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Nauna nang pinalawig ng bansa ang temporary ban nito sa mga biyaherong nanggaling sa United Arab Emirates, India, Pakistan, Sri Lanka, Oman, Nepal at Bangladesh dahil sa Delta variant.

Matatandaang hinimok na rin ni health reform advocate at former government advisor Dr. Tony Leachon ang mga awtoridad na magpatupad ng travel ban sa Indonesia na nakararanas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at nakapagtala rin ng Delta variant.

Sagot naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mas mabuti kung paghihigpitan ang border control kaysa palawigin ang travel ban dahil mayroon na namang kaso ng Delta variant sa higit 90 na bansa.

Pilipinas, low-risk na ng COVID-19 — DOH

Samantala, kinokonsidera na bilang low-risk ang bansang Pilipinas sa COVID-19 dahil sa pagbaba ng national case growth rate at average daily attack rate.

Ito ay ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman.

Aniya, negative ang two-week growth rate ng bansa at ang ADAR ay 5.42 o moderate risk.

Bukod pa rito, ang growth rate ng kaso ay bumababa ng -9% noong Hunyo 13 hanggang 26 mula 15% noong Mayo 30 hanggang Hunyo 12.

Sa ngayon, nasa safe zone na rin ang national utilization rates ng ospital na nasa 46.51% at intensive care unit beds na nasa 55.24%.

SMNI NEWS