KULANG sa research si Interior Secretary Benhur Abalos.
Ayon ‘yan kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Legal Counsel Atty. Israelito Torreon kasunod ng pagtanggap ni Abalos ng donasyon mula mga pribadong indibidwal bilang pabuya para sa ikadarakip ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Paliwanag ni Torreon – ang ginawa ng kalihim ay labag sa Section 7 Paragraph D ng Republic Act 6713 kung saan ipinagbabawal sa mga government official ang humingi o tumanggap ng anumang regalo, bayad, premyo, o benepisyo mula sa sinumang tao.
“Baka nakulangan lang siguro ng research po si Secretary Abalos. Kung mabasa natin ‘yung Sec. 7-D ng Republic Act 6713, swak na swak talaga siya because whatever may be your intention, it may be motivated by good faith or whatever, you cannot accept private donations in order to make the life of another person miserable even if it is supposedly for a legal purpose,” wika ni Atty. Israelito Torreon, KOJC Legal Counsel.
“Baka hindi niya lang po nabasa. Ngayon siguro kailangan niyang basahin ‘yun,” ani Atty. Torreon.
Ilegal ani Torreon ang P10-M pabuya ni Abalos laban kay Pastor Apollo dahil ang general rule aniya sa pagpatong ng reward money ay dapat most wanted ang isang indibidwal.
Batay sa memorandum circular ng DILG, ilan sa mga sukatan para masabing most wanted ang isang tao ay kung nakagawa ito ng karumal-dumal at sensational na krimen, pabalik-balik ang paggawa niya ng krimen, at mayroon siyang crime organization o sindikato na banta sa seguridad at kapayapaan sa isang lugar.
Malinaw aniya na hindi pasok si Pastor Apollo sa mga nasabing batayan.
“So, any of the parameters that are mentioned under Memorandum Circular No. 22-028 are not present. Ergo ‘yung P10-M niya illegal under Republic Act 6713 Sec. 7 Paragraph D and it has no basis under the law even in their own memorandum circular. Kaya naman po, mag-research-research siguro konti para medyo tama,” dagdag nito.
Pagtanggap ni Sec. Abalos ng donasyon para sa pabuya laban kay Pastor ACQ, isang ‘graft’—Atty. Roque
Para naman sa dating tagapagsalita ng Palasyo na si Atty. Harry Roque, hindi tama ang paggamit ng pribadong mga salapi para lang magbigay ng pabuya sa mga hinahanap dahil una sa lahat aniya obligasyon iyan ng gobyerno.
Ayon kay Roque maikokonsiderang ‘graft’ ang ginawa ni Abalos sa pagtanggap ng donasyon mula sa pribadong indibidwal.
“So sa akin sentido komon iyan eh. Maski walang sinabing special law ni Atty. Torreon, wala pong nagbibigay na wala pong motibo. May motibo iyan. Nagpapalakas sa gobyerno. Eh bakit mo papayagan? Eh alam mo namang hihingi ng pabor iyan sa darating na araw. So sa akin graft po iyan ‘yung pagtatanggap ng pera sa pabuya dahil hindi po iyan libre. Iyan ay gagawin nila napakalaking halaga dahil gusto nila na magkaroon ng utang loob ng gobyerno sa pamamagitan nung tao na tatanggap ng donasyon,” saad ni Atty. Harry Roque, Dating Tagapasalita ng Malacañang.
Pagtanggap ni Sec. Abalos ng donasyon para sa pabuya laban kay Pastor ACQ, ilegal—KOJC legal counsel
Kinuwestiyon naman ni Atty. Adam Jambangan ang laki ng pabuya laban kay Pastor Apollo kumpara sa mga indibidwal na mas mabigat pa ang mga kaso.
Aniya hindi naayon ang nasabing halaga ng pabuya kumpara sa kasong ipinupukol sa butihing Pastor na hindi pa nga napapatunayan.
“How would you differentiate the case of Pastor Quiboloy na ganoon kalaki ‘yung ibinibigay na halaga na bounty na mayroon pang maraming accused na nandiyan na mas mabigat pa ang cases at hindi ganoon kalaki yung bounty. Ang iba pa nga walang bounty. There is a clear violation of equal protection clause,” ayon kay Atty. Adam Jambangan, KOJC Legal Counsel.
Para sa Executive Secretary ng KOJC na si Eleanor Cardona, ang dapat lagyan ng patong sa ulo ay ang mga kriminal tulad ng mga magnanakaw sa gobyerno, smuggler, at drug lords.
“’Yung mga mananagot dapat ang hulihin ninyo, habulin ninyo, lagyan niyo ng patong sa ulo. ‘Yun ang dapat. ‘Yung mga magnanakaw sa gobyerno, ‘yung mga smuggler, ‘yung mga drug addict, yung mga drug lords, ‘yun ‘yung mga makasalanan. Hindi ang Kingdom of Jesus Christ. Nagkakamali kayo. Wala dito ‘yung sinasabi ninyo. Binabalik ko sa iyo Secretary Abalos ‘yung batas ay batas, tama dapat ikaw ang unang sumunod diyan,” pahayag ni Eleanor Cardona, Executive Secretary, KOJC.
Sec. Abalos, hinamong pangalanan ang nag-donate ng pabuya laban kay Pastor ACQ
Binigyang diin naman ng KOJC legal counsel dahil ito ay isang public concern, dapat na pangalanan ni Abalos ang mga kaibigang nagbigay ng donasyon para sa pabuya laban kay Pastor Apollo.
Bagay na sinang-ayunan din ni Roque.
“We are challenging and demanding Secretary Abalos to name these people behind the initiative kumbaga. Reveal the donor. Because this is practically donation. So, kung ganoon, you have to reveal it because this is a matter of public concern and we have the right to know,” dagdag ni Jambangan.
“Mayroon na tayong karapatan sa impormasyon na makakaapekto sa ating pang-araw araw na buhay. Ang DILG nako napaksensitibong posisyon na iyan dahil nasa ilalim ng DILG ang ating kapulisan. So sino ba itong tao na nagpapalakas sa DILG na magdo-donate ng 10 million? dagdag ni Atty. Roque.
“Dapat lumantad ka kung sino ka. At tingnan natin kung ano ang interes mo para ikaw ay magpalakas sa gobyerno lalong-lalo na sa DILG,” ani Roque.
Ang mga government official na lalabag sa Republic Act 6713 ay maaaring masuspinde o matanggal sa serbisyo.
Bukod sa administrative sanction, ang sinumang lalabag sa nasabing batas ay maaaring makulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa limang taon, o pagmumultahin ng hindi bababa sa P5,000 ngunit hindi hihigit sa P100,000.
Maaari din siyang masentensiyahan ng perpetual disqualification from public office at hindi na makakabalik sa anumang pampublikong posisyon.
Batay rin sa batas, ang mga nagbigay ng donasyon sa mga government official ay may kaparehong parusa.
Sec. Abalos, dapat nang mag-resign—dating CPP-NPA-NDF intel officer
Kaya para sa dating National Intelligence Officer ng CPP-NPA-NDF na si Jeffrey ‘Ka Eric Celiz’ – dapat nang mag-resign si Abalos dahil malinaw na nilabag niya ang nasabing batas.
“No need na kasuhan ka when the evidence are all very clear. Mag-impake ka na. Huwag mong hintayin na sipain ka ni Marcos Jr. sa pagiging secretary ng DILG. Very clear ang batas. Abogado ka, mahiya ka. Kasi pwede kang madisbar dito. Ito ay gross ignorance of the law at hindi ka dapat binigyan ng lisensya bilang abogado kung hindi mo alam ito. So, mag-impake ka,” saad ni Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz, Dating National Intelligence Officer, CPP-NPA-NDF.
Marcos admin, may hinahabol na timeline sa pag-anunsyo ng pabuya laban kay Pastor ACQ—Political Commentator
Kung tatanungin ang tungkol sa timing ng pag-anunsiyo ni Abalos sa reward money laban kay Pastor Apollo, ito naman ang kanilang naging komento.
“May timeline kasi silang hinahabol. Bago mag July 22, SONA. Kasi mahirap, ako I’m speaking as a student of political Science. Mahirap kang mag-ulat sa bayan kung wala kang iuulat. Paano ka magpapapogi, kasi ang politika kasi, pagpapapogi iyan eh. Public impression iyan eh. Paano ka magpapapogi kung wala kang tropeo na ipapakita? And for them ang nakikita nilang tropeo si Pastor Quiboloy,” pahayag ni Jay Sonza, Political Commentator.
“I cannot help feel that siguro ginagawa ito para mayroon tayong sine na makikita araw. Kasi may SMNI si Pastor eh. Sigurado aangal tayo eh. So madraw ang attention dito at makalimutan ‘yung tumataas ang ating utang, ‘yung ating korupsiyon na grabe na masyado so hindi na mapag-uusapan yun lang po yung observation ko,” dagdag ni Torreon.
“Displacement theory para lituhin ang taumbayan, i-confuse ang kalagayan ng mamamayan at hindi mafocusan ang pananagutan sa malubhang pagkawala ng kakayahang mamuno ng Marcos Jr. Government,” dagdag ni Celiz.