Pagtatakda ng price ceilings sa bigas sa buong bansa, inaprubahan ni PBBM

Pagtatakda ng price ceilings sa bigas sa buong bansa, inaprubahan ni PBBM

INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang rekomendasyon na magpataw ng mandated price ceiling sa bigas sa buong bansa.

Ang pag-apruba ay sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Executive Order No. 39 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Agosto 31.

Layon ng EO na matiyak ang makatwirang presyo at madaling ma-access na mga pangunahing pagkain sa mga Pilipino sa gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng mga retail price nito sa merkado.

Ang pagtatakda ng price ceiling ay batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Trade of Industry (DTI).

Inilabas din ito kasunod ng sectoral meeting noong Agosto 29 kung saan na-brief si Pangulong Marcos tungkol sa estado ng mga hakbangin ng pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.

Sa ilalim ng EO 39, ang price ceiling para sa regular milled rice ay nasa P41 kada kilo habang ang price cap sa well-milled ay nasa P45 per kilogram.

Mananatili ang mandated price ceilings ‘in full force’ at epektibo, maliban na lamang kung i-lift ito ng Pangulo.

Cartel ng bigas, pinatututukan na rin ni PBBM; PNP, pinakikilos sa gitna ng ipatutupad na price cap sa bigas

Kaugnay rito, inatasan ng Pangulo ang Philippine Competition Commission, sa pakikipag-ugnayan sa DA at DTI, na magpatupad ng mga hakbang laban sa mga kartel o sa mga umaabuso sa kanilang dominanteng posisyon sa merkado.

Saad ni Pangulong Marcos, kailangang gumawa na ng kaukulang hakbang kontra cartel upang matiyak ang patas na kompetisyon sa merkado at itaguyod ang kapakanan at proteksiyon ng mga mamimili.

Kaugnay dito, pinakikilos din ni Pangulong Marcos ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies kasunod ng pag-apruba sa pagpapatupad ng price cap sa bigas.

Kabilang sa gampanin ng PNP ang magbigay ng kaukulang asiste sa DTI at DA sa gitna ng gagawing hakbang sa pagsiguro na masusunod ang price ceiling para sa bigas.

Inatasan naman ng Punong Ehekutibo ang Bureau of Customs (BOC) na paigtingin ang patuloy na pag-iinspeksiyon at pagsalakay sa mga bodega ng bigas upang labanan ang hoarding at ilegal na pag-angkat ng bigas sa bansa at mapadali ang pagkumpiska, pag-agaw, o pag-forfeiture ng mga smuggled na bigas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter