INAAKSIYUNAN na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino na pakalat-kalat o palaboy-laboy sa lansangan.
Ito ay sa ilalim ng programang Oplan Pag-Abot project ng ahensiya na inilunsad hapon ng Biyernes katuwang ang Commission on Human Rights.
Layunin ng programa na tulungan ang mga tinatawag na ‘children, at individual in street situations’ sa pamamagitan ng mga reach-out operation at iba pang intervention.
Sasailalim ang mga ito sa initial interview o counseling kung saan kukunan ng biometrics, at bibigyan ng identification cards ang bawat indibidwal.
Ibabatay sa assessment ang tulong na ilalaan para sa mga ito kabilang ang medical assistance, food support, transportation at relocation aid, livelihood opportunities, at marami pang iba.
Target simulan ang reach-out operations sa Metro Manila kung saan magkakaroon ng 24-hour shifting basis ang bawat team na binubuo ng social workers.
Tiniyak naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na palalakasin pa ng ahensiya ang mga programa nito.
Kasunod ito sa ginawang partnership forum na dinaluhan ng iba’t ibang development partner at stakeholder nito.
Isinusulong ng DSWD ang whole-of-nation approach para matugunan ang kahirapan at gutom sa bansa.
Sa paraang ito ay mapapaigting pa ang pakikipagtulungan sa mga development partner upang maihatid nang maayos ang mga programa at serbisyo para sa mga nangangailangang sektor.
Prayoridad na mga programa ng ahensiya ay kinabibilangan ng Food STAMP Program, Buong Bansa Handa, DSWD Academy, Paspas Serbisyo, Digital Transformation, Oplan Pag-Abot Project, at Retooling ng Social Welfare Programs.
Samantala, pinuri naman ng kalihim ang naging resulta ng 2023 PAHAYAG survey na inilabas kamakailan ng Publicus Asia.
Nagpasalamat ito sa tiwala ng publiko sa ahensiya at sisikapin pang maiparamdam pa sa mga Pilipino ang serbisyo ng DSWD.