DAHIL sa walang humpay na pagsirit ng mga pangunahing bilihin, maraming pamilyang Pilipino pa rin ang patuloy na nakararanas ng matinding kahirapan.
Isa sa mga masaklap na katotohanan ay ang pagiging isang kahig, isang tuka ng marami sa ating mga kababayan.
Ang mag-asawang Solpicio at Jessica ay pagtitinda ng sigarilyo na lamang ang nakikitang daan upang kumita.
Saklay na lamang ang naging lakas ni Tatay Solpicio upang makalakad matapos maaksidente.
P80 na aniya ang pinakamalaking nauuwing kita nito sa pagtitinda na kulang pa para sa pagkain sa isang araw.
“Mapipilitan na po kami kasi wala kaming pagkain. Masakit talaga, dahil wala kaming makakain. Nagdadasal na lang ako, Panginoon, tulungan mo ako ganon na nalang wala akong magawa hindi ako makalakad,” ani Tatay Solpicio.
Ang misis nitong si Nanay Jessica kahit senior citizen na ay pinipilit na lamang na pumasok bilang labandera upang may maidagdag sa kita sa pagtitinda ng sigarilyo.
“Minsan magbigay sila ng P150 okay na ‘yun kasi baka wala kaming mabiling bigas, pinagkakasya ko lang ‘yun o minsan pinadadagdagan ko kasi siyempre makabili ako ng 2 kilong bigas, ulam namin maghapon. Siyempre sa hirap talaga, walang ano ang asawa ko. Siyempre nangangayat na lang ako sa asawa ko kung hindi ako mag-hanapbuhay,” saad naman ni Nanay Jessica.
Ang sitwasyon nina Tatay Solpicio at Nanay Jessica ay ilan lamang sa milyong-milyong Pilipino na magpapatunay na mahirap ang buhay ngayon.
Kung ang katulad nina Tatay Solpicio at Nanay Jessica ang tatanungin, hindi totoo ang sinabi ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na “haka-haka” lamang ang kahirapan sa ating bansa.
“Naghihirap ang Pilipino sa ngayon dahil halos pobre ngayon baka nagdidildil sila ng ulam ng asin, ganyan kahirap ang buhay. Ang P20 na sabi ni Bongbong, bente pesos ang isang kilo hindi naman natutupad,” hinaing ni Tatay Solpicio.
Hindi na rin napigilan ng ilan pa nating mga kababayan na magpahayag ng kanilang sentimyento sa naging pahayag ni Gadon.
Sa social media, inulan ng batikos o mga negatibong komento ang nasabing opisyal kabilang na ang pagiging matapobre umano nito.
DSWD Sec. Gatchalian kay Sec. Gadon na “haka-haka” lang ang kahirapan sa bansa: Totoo ang kahirapan!
Si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Rex Gatchalian ay naglabas na rin ng pahayag ukol dito.
Sabi ng DSWD, totoo ang kahirapan na nararanasan ng ilan nating kababayan.
“Naniniwala kami na patuloy ang laban natin sa kahirapan. Kaya nga patuloy kaming humuhubog ng mga programa para maibsan ang kahirapan ng ating taumbayan at tuluyang mawakasan. Alam namin dito sa DSWD na totoo ang kahirapan,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.
Sabi pa ng kalihim, patunay na naghihirap pa ang mga Pilipino dahil milyun-milyong kababayan pa ang tinutulungan ng DSWD sa ilalim ng mga programa tulad ng 4Ps, AICS at iba.
Sec. Gadon, tinawag na budol-budol dahil sa sinabing “haka-haka” lang ang kahirapan sa bansa—ekonomista
Tinawag naman na budol ng isang ekonomista ang pahayag na “haka-haka” lang ang kagutuman at kahirapan sa bansa.
Para kay Dr. Michael Batu, hindi naman ibig sabihin na kapag pumunta ng mall ang isa tao ay hindi na ito nakararanas ng kahirapan.
Hindi naman aniya ibig sabihin na kapag mabigat ang daloy ng trapiko kung saan may sinasabing economic activities ay hindi na nahihirapan.
Punto niya, hindi naman kasi sumasabay ang paglago ng ekonomiya sa paglago ng populasyon sa bansa.
“Ang talagang metric natin diyan ay halimbawa ‘yung self-rated poverty, ‘yung kalidad ng trabaho, underemployment. Kapag tinanong mo ‘yung ating mga kababayan na nag-improve ba ‘yung buhay mo ngayon kumpara 2 years ago? Tanungin mo ‘yung mga kababayan natin. Maniwala po kayo na marami diyan magsasabi na hindi, mas worst sila ngayon kaysa 2 years ago,” ayon kay Dr. Michael Batu, Economist.