BINABANTAYAN na ngayon ng pamahalaan ang sitwasyon sa mga kalapit probinsiya ng National Capital Region (NCR) para sa posibleng restrictions.
Ito ay matapos muling isailalim ang Metro Manila sa Alert Level 3 sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon sa Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan na dating kasama sa tinatawag na “NCR Plus Bubble”.
Ani malaya, kinukuha na ng Department of Health (DOH) ang lahat ng kinakailangan datos upang makita nila ng malinaw ang sitwason sa mga nabanggit na lugar.
Ang Metro Manila ay muling isinailalim sa Alert Level 3 hanggang sa Enero 15.
Mga hindi pa bakunado sa NCR, hindi papayagang lumabas ng bahay sa ilalim ng Alert Level 3
Samantala, pansamantalang hindi papayagang lumabas ng kanilang bahay ang mga hindi pa bakunadong indibidwal sa NCR maliban na lamang kung may mahalagang gagawin matapos isailalim ang rehiyon sa Alert Level 3.
Ito ang inanunsyo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa media briefing.
Ayon kay Abalos, nagkasundo ang Metro Manila Council (MMC) na magkaroon ng enhanced vaccination restrictions dahil sa banta ng Omicron variant.
Bukod dito, hindi rin papayagan ang mga hindi pa bakunado na mag-domestic travel, mag-indoor at al fresco dining.