NAKATUTOK ngayon ang pamahalaan sa kasalukuyang nangyayaring hostage taking sa isang barko sa bansang Yemen sa bahagi ng Red Sea.
Kinumpirma ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na may isang Pinoy ang nakasama sa barko.
Sakay sa naturang barko ang 7 umano’y mga Indiano habang ang 5 pa ay mula sa Ethiopia, Pilipinas, Indonesia, at Myanmar.
Ipinakita ng mga Huthi Rebels sa pamamagitan ng video na hawak na nila ang Rwabee.
Ang barko ay may kargang equipment para sa isang field hospital na nirerentahan ng isang Saudi company.
Masilan din aniya ang nasabing sitwasyon dahil kilalang International Militant Organization ang sangkot sa pagtake-over ng barko.
Kailangan din aniya ng mga dalubhasa talaga sa terorismo at seguridad ang nakatutok dito.
Isinangsanguni din aniya nila sa Department of Foreign Affairs (DFA) bilang kinatawan sa larangan ng politika at seguridad ng mga kababayang nasa abroad.
Ayon naman sa liham ng UAE Ambassador na si Lana Nusseibeh, ang gawaing ito aniya ng pamimirata ay salungat sa mga pangunahing probisyon ng internasyonal na batas.
Ito rin ay nagdudulot ng malubhang banta sa kalayaan at kaligtasan ng paglalayag pati na rin sa internasyonal na kalakalan sa Red Sea, at sa panrehiyong seguridad at katatagan.