Pamamaril at pananakit sa babaeng estudyante ng Tuguegarao, personal na tututukan ng DILG chief

Pamamaril at pananakit sa babaeng estudyante ng Tuguegarao, personal na tututukan ng DILG chief

PERSONAL na tututukan ni DILG Sec. Benhur Abalos ang kaso ng pananakit at pamamaril sa isang dalaga sa loob ng St. Paul University, Tuguegarao.

Araw ng Miyerkules, Nobyembre 15, 2023, sa kuha ng CCTV footage, makikita ang paglapit ng isang naka-unipormeng babae sa isang kotseng nakaparada sa isang parking lot ng St. Paul University, Tuguegarao.

Pagbukas ng pinto ay may biglang humila rito papasok sa kotse hanggang maisara ang pintu ng nasabing sasakyan.

Mapapansin din ang patakbong paglapit ng dalawang nakaunipormeng lalake nang marinig diumano ng mga ito ang pagsigaw ng biktima mula sa loob ng sasakyan.

Lumabas ang suspek bitbit ang kaniyang baril at akmang tinutukan ang dalawa hanggang sa makikita na ang pagbaril ng suspek sa dalaga na tinamaan sa leeg dahilan para ito ay humandusay sa lupa.

Napag-alaman din ng mga awtoridad na bukod sa pamamaril ay ilang beses rin nitong pinukpok sa ulo ang biktima at saka na umalis sakay ng kaniyang kotse.

Kinilala ang 20 taong gulang na biktima na si Althea Vivien Mendoza, at ang suspek na si Christian Ramos na parehong medical technology students sa nasabing unibersidad

Puno’t dulo ng insidente ang ginawang pambabasted umano ng dalaga na hindi tinanggap ng suspek.

Dahil dito, kinondena ni Department of Local and Interior (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr.  ang aniya’y pang-aabuso na ito.

Ayon sa kalihim, personal niya itong tututukan hanggang makamit ang hustisya at mapanagot ang may sala.

“I was appalled by the viral video showing Saint Paul University-Tuguegarao student Althea Vivien Mendoza being shot and beaten by another student inside their school campus. Rest assured that I will personally monitor this case and ensure that justice is done,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Jr., DILG.

DILG chief, nais makipagpulong sa mga guro sa bansa para sa kaligtasan ng mga estudyante

Samantala, nais ng kalihim na kausapin ang lahat ng mga guro sa bansa para tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga estudyante sa loob ng paaralan.

Layon din ng dayalogo na magkaroon ng sistema ang mga paaralan sa bansa kung papaano matutukoy ang posibleng mga hamon na kinakaharap ng mga mag-aaral na nauuwi sa kapahamakan sa kani-kanilang seguridad at buhay.

“I will also talk to our educators to find out how we can better ensure the safety of children inside their campuses. Hopefully, our schools can find better ways to detect troubled or disturbed individuals so that they can intervene sooner,” dagdag ni Sec. Abalos.

Sa huli, nakikiusap ang kalihim sa publiko na makipagtulungan sa pamahalaan para labanan ang usapin ng pang-aabuso lalo na sa mga kabataan at kababaihan.

“I ask the public to join me in an effort to put an end to violence against women and children. Sugpuin natin ang karahasan laban sa kababaihan at kabataan alang-alang sa mas makatao at makatarungang lipunan,” ani Abalos.

Batay sa pinakahuling impormasyon ng pulisya, pansamantalang nakalaya ang suspek na si Christian matapos itong payagan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 5 na makapagpiyansa sa kasong frustrated murder at violation of Batas Pambansa (BP) No. 881 ng Omnibus Election Code.

Matatandaang kasalukuyan ding umiiral ang gun ban hanggang Nobyembre 29, 2023.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble