TINIYAK ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mabibigyan ng tulong ang mga naiwang pamilya ng Filipino seaman na natagpuang patay sa Vanuatu beach nito lamang Abril 11.
Ang Vanuatu ay isang bansa na binubuo ng halos 80 isla at matatagpuan sa timog Pacifico, malapit sa bansang Australia.
Matatandaan sa naturang araw nadiskubre ang labi ng Filipino seafarer matapos malaman ng isang United Kingdom-flagged tanker na may isang crew member nila ang nawawala nang maglayag papuntang Port Vila, New Zealand.
Inabisuhan ng mga Vanuatu Port Authority ang tanker na bumalik sa pantalan at saka nagsimula ang search and rescue operation.
Natagpuan sa beach ang katawan ng Filipino crew member at nabatid pa na positive sa COVID-19 nang dinala sa punerarya upang suriin.
Sa kadahilanang ito, ang lahat ng crew ng tanker ay isinailalim sa COVID test at naka-hold sila ng tatlong araw.
Sa virtual presser ng DOLE sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na sa ngayon ay patuloy ang koordinasyon ng kanilang ahensya sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa pamilya ng nasawing seafarer.
Aniya, hindi pa rin maaring isapubliko ang pagkakakilanlan ng naturang seaman bilang respeto na rin sa mga naulilang pamilya nito.
Giit ni Cacdac hindi pa batid kung namatay sa COVID-19 ang Pinoy at kung paano ito inanod sa isla dahil sa ngayon ay patuloy pa ring hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
“We are currently under taking efforts to number 1 get a clearer picture as to what happened. We are told na hindi conclusively pa ‘yung cause of death. So, let’s not make any conclusion as to kung ano ang nangyari but let’s just await the investigative report. Number 2, we are reaching out to the family and to the licensed manning agency involve para mabigyan ng sapat na ayuda ‘yung pamilya and we have provided assurances to the family that we are on top of the situation and that we will provide assistance to them,” pahayag ni Cacdac.
(BASAHIN: Mga seaman, ipinalalagay sa priority list para sa COVID-19 vaccine)