SA isang Facebook post bandang 9:00 pm, Huwebes, ay nauna nang inanunsiyo ni Pamplona Mayor Janice Degamo, ang biyuda ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo ang pagkakaaresto kay Ex-Cong. Arnie Teves sa Timor-Leste.
May pinakita pa itong larawan ng pag-aresto sa kaniya ng Timor-Leste Police.
Maya-maya sa isang pahayag na pinadala sa media, ay kinumpirma naman ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakaaresto sa dating kongresista.
Sa pahayag ng DOJ, nahuli si Teves, 4:00 pm, Huwebes habang naglalaro ito ng golf sa Top Golf Driving Range and Bar sa naturang bansa.
Si Mrs. Degamo, masaya sa nangyari lalo pa’t ito aniya ang kanilang ipinagdarasal matapos mapaslang ang kaniyang asawa noong Marso 2023.
Maging ang mga kamag-anak ng iba pang patay sa Pamplona Massacre, masaya aniya sa pagkakaaresto sa dating kongresista.
“We were rejoicing. Walang mapaglagyan ang aming kasiyahan today, na finally… That is something we have prayed so hard for na talagang sana mahuli siya at mapapanagot sa lahat ng mga kasalanan na nagawa niya. And I think this is it. Ito po ang hinihintay namin. Although, naiiintidihan din namin that justice is a long way to go but this is a very good start na nahuli na talaga siya,” ayon kay Mayor Janice Degamo, Pamplona.
Luluwas umano ng Maynila si Degamo sa oras na mailipat na rito si Teves.
Gusto nitong personal na makita sa kulungan ang dating kongresista.
“I would like to visit him in jail. I would like to see him jailed. Kasi po dito samin, feeling God ‘yan sila eh. ‘Yang jail para sa kanila, para lang ‘yan sa walang connection, walang pera, para lang ‘yan sa mahihirap. This will be a different story for him to tell,” dagdag pa nito.
Extradition o Deportation, ikinokonsiderang paraan para sa pagpapauwi kay Arnie Teves matapos itong maaresto
Sabi ni DOJ Spokesperson Asec. Mico. Clavano, pinag-aaralan pa nila kung sa pamamagitan ng extradition request o deportation ang pagpapauwi kay Teves.
Sa ngayon aniya ay nakikipagpulong na ang PH Delegation sa mga opisyal ng Timor-Leste para sa tama at mabisang pagpapauwi kay Teves.
Kung ano ang sa tingin nilang pinakamabilis na paraan ng pagpapauwi rito ay iyon umano aniya ang gagawin ng Philippine Government.
Seguridad ni Ex Cong. Teves sa pag-uwi nito sa Pilipinas, prayoridad ng DOJ
Prayoridad rin ng DOJ ang kaligtasan ni Teves sa oras na ito ay makauwi na ng bansa.
Ayon kay Clavano, maaaring sa Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI) Custodial Facility dadalhin si Teves para matiyak ang kaniyang seguridad.
Pero sa ngayon, wala naman aniya silang namo-monitor na death threat o panganib sa buhay ni Teves.
Sa oras din na makauwi na ng Pilipinas si Teves ay asahan na rin ang paglilitis ng kaniyang patong-patong na kaso rito sa bansa.
Sinubukan naman ng SMNI News na makuha ang panig ng kampo ni Teves sa pamamagitan ng kaniyang abogado pero walang sagot ito.