Pang. Duterte, nakahandang magpahuli sa pagpapabakuna laban sa COVID-19

NAKAHANDA si Pangulong Rodrigo Duterte na unahing mapabakunahan kontra COVID-19 ang mamamayang Pilipino kaysa sa kaniyang sarili at iba pang opisyal ng gobyerno.

Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ulat sa bayan nitong Miyerkules kung saan prayoridad aniya sa COVID-19 vaccination ang health workers maging ang mga guro, government at social workers, mga nagtatrabaho sa agrikultura, pagkain at turismo at iba pang may mababang kita o mga mahihirap.

Kung kaya, nakahanda ang chief executive na mapagpahuli sa pagpapabakuna kontra coronavirus para masiguradong mauuna ang frontliners at vulnerable sectors sa pagpapaturok ng bakuna.

Sambit ng punong ehekutibo, kung may matitira pang COVID vaccine pagkatapos mabakunahan ang mga uniformed personnel gaya ng mga sundalo at maging ang mga mahihirap ay pwedeng magsasabay-sabay na silang magpapahuli sa vaccination nina Senator Bong Go, Defense Secretary Delfin Lorenzana at iba pa.

“Mauna talaga ‘yung mga pobre, ‘yung wala talaga, tapos kayo. Halos… Pagdating ng ano, kung milyon ‘yan, magsabay-sabay na kayo lahat, at saka huli na kami. Kung may maiwan, para sa amin: kay Bong, kay Secretary Lorenzana… Kung may maiwan, eh ‘di para sa atin. Unahin natin sila,” pahayag ni Duterte.

Bisa ng bakuna mula China, dinepensahan ni Pangulong Duterte

Sa kabilang banda, dinidipensahan ni Pangulong Duterte ang bisa ng mga bakuna na gawa mula China —ang Sinovac.

Giit ng presidente, matatalino ang mga Intsik at tinitiyak ng mga ito na ligtas ang kanilang bakuna.

“Now, the bakuna that Secretary Galvez is buying is as good as any other bakuna na naimbento ng mga Amerikano o mga Europeans. Hindi nagkulang ang Chinese, hindi sila nagkulang sa utak. Bright itong mga Intsik at they would not venture kung hindi sapat, it is not safe, sure, and secure. Iyong tatlo: it must be safe; sigurado, sure; and secure. That is the guarantee,” ayon pa ng pangulo.

Binanggit naman ng Punong Ehekutibo na handa siyang managot sa anumang maaaring mangyari sakaling mabulilyaso ang napiling bakuna ng pamahalaan.

Ibinahagi naman ni Pangulong Duterte na nasa P82.5-billion ang inilaang pondo ng Pilipinas para sa COVID-19 vaccines.

SMNI NEWS