Pang. Marcos, dadaluhan ang APEC Summit sa Estados Unidos sa Nobyembre

Pang. Marcos, dadaluhan ang APEC Summit sa Estados Unidos sa Nobyembre

DADALUHAN ang APEC Summit sa Estados Unidos sa Nobyembre ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kinumpirma ni PBBM ang kaniyang nakatakdang pagbiyahe sa Estados Unidos sa Nobyembre para makiisa sa APEC Leader’s Summit.

Sa gitna ng courtesy call ng US-ASEAN Business Council sa Malacañang nitong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Marcos na isusulong niya ang interes ng seguridad sa enerhiya ng bansa sa pagtitipon ng economic bloc sa San Francisco, California, USA.

Ibinahagi pa ng Punong-Ehekutibo na ito ang kaniyang magiging ikatlong pagbisita sa Estados Unidos simula ng kaniyang panunungkulan bilang Presidente.

“The Philippines is actively participating in Indo-Pacific Economic Framework, and APEC leaders meeting in San Francisco in November, I look forward joining fellow APEC leaders in California, later this year, this will be my 3rd trip in US since I assume office,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Unang pumunta si Pangulong Marcos sa US noong Setyembre ng nakaraang taon para magsalita sa United Nations General Assembly (UNGA) sa New York.

Ang kaniyang ikalawang paglalakbay sa US ay para sa isang state visit, kung saan nakipagkita siya kay US President Joseph Biden sa Washington, D.C.

Samantala, binigyang diin naman ni retired US Ambassador Ted Osius ang kahalagahan ng partisipasyon ng Pilipinas sa Indo-Pacific Economic Framework, gayundin sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC).

Pinakamalaking US-ASEAN business contingent, nangakong maglagak ng mas maraming investments sa bansa

Samantala, pinuri ng American businesses ang pagsisikap ng administrasyong Marcos para sa economic transformation sa bansa.

Ito ay kasunod pa rin ng pakikipagpulong ng pinakamalaking US business contingent kay Pangulong Marcos sa Malacañang.

Sa naturang meeting, sinabi ni Ted Osius, ang president at CEO ng US-ASEAN Business Council, na inaasahan nila ang pagpapalalim ng kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaang Marcos at lumikha ng higit pang partnerships sa mga kompanya dito sa Pilipinas.

Ipinaabot aniya ng mga representative ng malalaking US businesses ang interes na mamuhunan sa Pilipinas, partikular na sa sustainable development, digitalisasyon, healthcare, at supply chain resilience.

Binanggit ni Osius ang kamakailang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos partikular aniya ang mga paksa na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng imprastraktura, agrikultura, malinis na enerhiya, green metals at semiconductors.

Ito’y habang idiniin ng opisyal ang kahandaan ng American companies na suportahan ang Philippine development efforts.

Inilahad pa ng US official na kasama niya ang mga kinatawan ng 30 kompanya, ang pinakamalaking delegasyon na bumisita sa Pilipinas sa 40-taong kasaysayan ng US-ASEAN Business Council.

Samantala, binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtutulungan ng ASEAN at Amerika sa gitna ng mga pagsubok na dala ng climate change.

“I have called for PH-US economic engagement to boost two way trade especially critical sector such as infrastructure, agriculture, clean energy including nuclear energy, green metals and critical metals,  IT-BPO, and semi-conductors, resilience on climate change,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang kritikal na papel na ginampanan ng Estados Unidos at American businesses sa pagsusulong ng matatag at inklusibong paglago ng ekonomiya sa Pilipinas.

Iginiit din ni Pangulong Marcos na ‘on-track’ ang Pilipinas, hindi lamang para sa economic recovery, kundi maging sa pagkamit ng upper middle economic status sa loob ng ilang taon.

“Despite headwinds, our GDP post pandemic have been able to do reasonable well because all of we have done, we hope to continue that growth trend in the Philippines in terms of our GDP we will originally, the estimate of world bank GDP for this year upgraded to 6%, there are new shocks coming -in but I think we can take measures to continue the growth rate of our economy” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Mula noong 1984, ang US-ASEAN Business Council ay naging pangunahing advocacy organization para sa US corporations na tumatakbo sa loob ng dinamikong ASEAN.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble