Pangamba sa posibleng epekto ng COVID-19 vaccine sa mga bata, pinawi ng DOH

Pangamba sa posibleng epekto ng COVID-19 vaccine sa mga bata, pinawi ng DOH

IGINIIT ng Department of Health (DOH) na walang major safety issues ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa mga bata edad 5 hanggang 11 base sa Real-World data.

Una nang naiulat na sa susunod na linggo na sisimulan ang pagbabakuna sa mga batang edad lima hanggang labing isa.

Ayon kay Dr. Mary Ann Bunyi, ang presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines at isa sa mga vaccine expert panel ng bansa, ipinapakita sa pediatric clinical trials sa Estados Unidos na mas malaking porsyento sa mga batang tinurukan ng COVID-19 vaccine ng Pfizer ay mild lamang ang naranasang adverse event.

Matatandaang Oktubre inaprubahan sa Amerika ang paggamit ng Pfizer vaccines para sa mga 5-11 years old.

Hanggang Enero 18, mahigit 8 million na mga bata sa US ang bakunado na laban sa COVID-19.

Ani Bunyi, may mahigit 4,000 adverse events na iniulat sa Vaccine Adverse Event Reporting System (VAERS), isa sa safety surveillance ng US.

Nasa 97.6% dito ay non-serious events, habang 2.4% lang ang serious events.

Karamihan sa mga ini-report na serious events ay ang pagkakaroon ng lagnat at pagsusuka habang labing isa lang ang nakaranas ng myocarditis o pamamaga sa heart muscle ngunit nakarekober naman.

Sa isa namang safety surveillance ng Amerika na tinatawag na V-safe, may mahigit 42,500 na adverse event na iniulat.

Ipinakita sa datos ng V-safe na kahit karaniwan ang adverse reaction, karamihan dito ay mas banayad o mild.

Ang pinakaraniwang inireport na adverse reaction ay ang pananakit sa bahaging tinurukan na isang local reaction sa bakuna at mga systemic reaction tulad ng fatigue, headache, fever at myalgia.

Mas madalas rin maranasan ng mga bata ang local reaction sa mga bakuna o kumpara sa systemic reaction.

Nakasaad sa datos ng US ani Bunyi, hindi madalas ang adverse reactions sa mga 5-11 years old kung ikukumpara sa 12-17 years old.

Saad ni Bunyi dapat asahan ng mga magulang ang anumang reaksyon ng mga bata sa bakuna dahil normal ito. Tinitiyak naman nito dumaan sa masusing pag-aaral ang mga bakuna bago inaprubahan.

Paalala naman nito sa mga magulang, importanteng manatili muna ng tatlumpung minuto sa mga vaccination site matapos ang pagbabakuna para maobersbahan ng maigi ang mga bata.

Follow SMNI News on Twitter