LALAHOK si Pangulong Rodrigo Duterte sa virtual Asia-Europe Meeting (ASEM) summit ngayong araw, Nobyembre 25 hanggang 26.
Makikiisa si Pangulong Duterte kasama ang kanyang counterparts mula sa Asya at Europa Meeting (ASEM) para sa isang summit.
Batay sa inilabas na statement ng Office of the President (OP), magpapalitan ng pananaw ang mga lider ng mga bansa kaugnay sa usaping multilateralism, growth at sustainable development.
Nakasaad din sa OP statement na naka-iskedyul magsalita si Pangulong Duterte ukol sa tinatawag na ‘rebuilding a resilient future’ sa Biyernes, November 26.
Bukod dito, inaasahan ding tatalakayin ng punong ehekutibo sa kaparehong araw ang patungkol sa international at regional issues sa second plenary at retreat sessions ng naturang summit.
Sa dalawang araw na pulong, pag-uusapan ng ASEM leaders ang may kinalaman sa papel nito para itaguyod ang multilateralism para sa ‘global peace and stability.’
Ito ay upang mapalakas pa ang rule-based trading system at ma-promote ang inclusive at sustainable growth and developments kasama na rito ang patungkol sa connectivity.
Tatalakayin din ng ASEM leaders ang may kaugnayan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at pagsulong sa socio-economic recovery.
Ang Kingdom of Cambodia ang magsisilbing chair ng 13th Asia-Europe Meeting summit na may temang “Strengthening Multilateralism for shared Growth”.
Ang naturang summit ay isang informal dialogue process na binubuo ng 53 partners mula sa Europe, Asia, European union at ASEAN secretariat.
Ang Asia-Europe Meeting summit ay may layong palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang rehiyon partikular sa usapin ng mutual respect at equal partnership.